Vientiane--Pinaligaya nina Alice Kate Aparri at Annie Albania ang maliit na grupo ng mga Pinoy na nanonood nang itaob nila ang mga kalabang Thais, bagamat hindi naman naging masuwerte si Mitchele Martinez sa semifinal bouts ng boxing event sa Olympasia gymnasium.
Naging dikit ang suntukan nina Aparri at ng Thai na si Dueannapha Ngalam nang matapos ang four rounds nila na tabla sa 2-2 ng kanilang lightflyweight class.
Ngunit dahil sa pagpapatumba nito sa second round sa pamamagitan ng matinding right idineklarang winner ang Pinay na si Aparri sa bisa ng victory by a knockdown.
Bunga ng panalong ito, umusad si Aparri sa gold medal bout kung saan makakalaban nito ang Laotian na si Milvady Hongfa na nanaig naman kay Selly Wanibo ng Indonesia sa pamamagitan ng 15-8 iskor.
Sa kabilang dako, naging dominante naman ang reigning Asian champion na si Albania sa unang tatlong rounds laban sa kalabang Thai na si Sopida Saturum na nagtapos sa 2-0 ng kanilang bakbakan sa 51 kgs. flyweight class.
Umabot pa sa 6-2 iskor pabor kay Albania nang sumagot ng sunod-sunod na suntok ang Thai para makahabol sa 6-4 na siyang final score pabor sa Pinay, ang natatanging gold medal winner sa boxing para sa Team Philippines sa 2007 SEA Games sa Thailand.
Makakalaban ni Albania si Indonesian Indri Sambaimana na nagwagi kay Somphone Keosila ng host Laos.
Hindi naman naging masuwerte si Martinez na yumuko sa kalabang Thai na si Peamwilai Laopeam, 7-4 at makuntento na lamang sa bronze.
Aakyat naman sa ring ngayon sina Bill Vicera, Rey Saludar, Charly Suarez at Joegin Ladon para pagtangkaang makapasok sa gold medal bout.
Haharapin ni Vicera si Ven Diaman ng Cambodia sa pinweight division, sa pag-asang masungkit ang gold sa event na ngayon pa lamang magaganap, habang makikipagsuntukan naman si Saludfar sa flyweight division laban kay Laotian Xayyaphone Chanthasone.
Aakyat din sa semifinal bout si Suarez kontra kay Wuttichai Masuk ng Thailand sa featherweight class, at Ladon naman laban kay Vilasak Khouandy ng Laos.
Kapag nanalo sa kani-lang laban ngayon ang apat na Pinoy, makakasama nila sa final bout para tangkain ang gintong medalya sina Aparri, Albania at Josie Gabuco sa women’s at si Harry Tanamor naman sa men’s. (DMVillena)