VIENTIANE -Siyam na kumikinang na gintong medalya! Ito ang target ng athletics.
Bukod sa sasandal sa injured na si Olympian Henry Dagmil, kumpiyansa pa rin ang Philippine Amateur Track and Field Association na maaabot nila ang minimithing 9 na gintong medalya sa pagbubukas ng tampok na event ng 25th Southeast Asian Games ngayon.
“Sana makuha natin yung siyam,” wika ni PATAFA chief Go Teng Kok, kung saan bukod kay Dagmil sa long jump, aasa din ang bansa kina Asian champion Marestella Torres (long jump), Eduardo Buenavista (marathon), Christabel Martes (marathon), Rene Herrera (steeplechase), Arniel Ferreira (hammer throw), Julius Sermona (5,000 at 10,000 meter), Rosie Villarito (javelin throw) at Michael Embuedo (20 k walk).
Malaki ang tiwala ni Go kung ang pagbabasehan ay ang kanilang ranggo batay sa mga nagdaang performance sa Southeast Asian Games kung saan sila ang No. 1 mula 2007 hanggang sa kasalukuyan.
Si Dagmil, may hawak ng RP at SEA Games record sa event, ay binabagabag ng injury na dinaramdam na niya sapul nang lumahok ito sa World Athletics Championship sa Berlin, Germany noong nakaraang Agosto.
Kung 9 na ginto ang nais ni GTK, sinabi naman ng kanyang deputy coach na si Ojhon Artiaga na suwerte na kapag nakalimang ginto ang athletics.
“Mahirap ang labanan, ” ani Artiaga . “Sa totoo lang, umaasa kami ng lima pero siguro ang pinagbabasehan ni Mr. Go ay ang records ng mga silver medalist sa 2007 SEA Games sa Thailand, pero hindi natin alam, siyempre nag-improved na rin sila. Pero itataya ko ang pera ko sa limang atleta at halos sigurado na ito.
Gayunpaman, hindi pa pumapaltos si GTK sa kanyang mga naging prediksiyon. (Dina Marie Villena)