VIENTIANE, Laos –Ang pamatay na porma ay magbubunga ng magandang produksiyon kapag nagpatuloy sa aktuwal na kompetisyon.
At ito ang kailangang patunayan ng Phi-lippine shooting team sa kanilang pagsabak sa National Sports Complex' shooting range para sa unang apat na gintong medalya sa 6 na nakataya sa araw na ito.
Bubuksan ni Tac Padilla, na papasok sa kanyang ika-16th appearance sa bienial meet, ang kampanya ng bansa kasama sina Robert Donalvo at Ronald Hejastro sa individual at team event ng 25m standard pistol at beteranong si Emerito Concepcion sa 10m air rifle.
" Lalaro ako para sa team. Hindi naman ito ang forte ko pero kailangan ang iskor para sa team event," wika ni Padilla na makakasama ang 18-anyos na anak na babaeng si Mica." Sa Dec.16 pa ang event ko ang rapid pistol".
Sasabak din ang mga kababaihan sa 10m air rifle sa individual at team event para sa dalawa pang ginto ng anim na nakataya sa araw na ito.
At sa susunod na walong araw ng palaro, sasalang din sina Carolino Gonzalez, Shanin Gonzales, Mica Padilla, Eddie Tomas, Rocky Pardilla, Ruth Ricardo at Edwin Fernandez, na buo ang pag-asang makakapagbigay ng gintong medalya para sa bansa. (Dina Marie Villena)