VIENTIANE – Mula sa isang gold na tinapos kahapon ng taekwondo jins sa poomsae event, papagitna naman ang mga beterano upang maipakitang hindi lamang sa porma magagaling ang jins kundi maging sa combat form.
Sasalang sa court, babanderahan nina two-time Olympians Tshomlee Go at Antoinette Rivero ang iba pang Pinoy jins sa kanilang kampanyang maagaw ang supremidad sa nasabing sports sa 25th Southeast Asian Games dito.
Aalalayan ni Rivero ang lima pang jins sa makikipag-unahan sa pagsungkit ng anim na gintong medalyang nakataya sa Booyoung Gymnasium sa National University.
Ang 21-anyos na si River ay sasabak sa paborito niyang event ang 67 kgs. class (welterweight) , kung saan napagwagian niya ang silver medal noong 2007 edition ng biennial meet sa Thailand.
Isang ginto lang ang inuwi ng Pinoy jins mula sa Thailand at mula ito kay Go kung saan silver lamang ang nasungkit ng iba kabilang na ang kay Rivero sa isang masamang officiating sa nasabing laban.
Gayunpaman, tapos na lahat at panibagong pagsubok na ang naghihintay. (DMvillena)