Vientiane - Nanggaling sa isang magandang kampanya sa katatapos na World Championships sa Cairo, Egypt, tatlong professionals na miyembro ng national team ang gustong magpakilala sa pagbubukas ng taekwondo competitions ng 25th Southeast Asian Games dito.
Ang mga ito ay sina Janice Lagman, isang registered nurse, Rani Ann Ortega, isang sports science graduate at Camille Alarilla, isang economics graduate.
Ang 22-anyos na sina Lagman at Alarilla at ang 23-anyos na si Ortega ang umagaw ng eksena sa 4th World Poomsae championship dalawang linggo na ang nakakaraan.
“We are happy and still excited. Ang saya saya namin hanggang ngayon dahil hindi namin inaasahan na mananalo kami,” wika ng tatlong taekwondo jins.
Bago sumabak sa poomsae noong 2007, sina Lagman, Alarilla at Ortega ay mga miyembro ng national sparring team.
“Mas nakakakaba ang maglaro ng poomsae keysa sa sparring. Dito kasi you need to maintain your balance, isang maling stroke can cause your team damage. Unlike in sparring kung maiskoran ka, you can still recover.”wika ni Lagman, nagtapos sa Trinity University of Asia.
“We really prepared hard for this SEA Games,” dagdag naman ni Ortega produkto ng University of the Philippines.
Bubuksan ang labanan sa poomsae individual at team events bukas kung saan paboritong manalo ang mga Filipino.
“We are confident but we cannot be over-confident because Vietnam is also a force to reckon with,” ani Alarilla, isang Ateneo Blue Eagle at pamangkin ni Philippine Ambassador to Laos PDR Marilyn Alarilla.
Ang iba pang miyembro ng national squad ay sina Olympians Antoinette Rivero at Tshomlee Go, na lalahok sa sparring event isang araw matapos ang pormal na opening rites bukas.