MANILA, Philippines - Umukit ng magkaibang panalo sina Francis Casey Alcantara at Anna Clarice Patrimonio upang umusad sa ikalawang round ng Phinma International Juniors Week 2 sa Rizal Memorial Tennis Center kahapon.
Pinalakas ng 17 anyos na top seed na si Alcantara ang kanyang kampanya sa ikalawang sunod na korona nang patalsikin niya si Chinese Xing Bang Liu 6-4, 6-1 sa tampok na laban sa boys’ singles.
Haharapin ni Alcantara, na nanaig kay Japanese Yoshihito Nishioka, 7-5, 6-0, upang mapagwagian ang Week 1 crown noong nakaraang Linggo, ang magwawagi sa pagitan nina Romar Hernandez ng US at Japanese Takashi Saito sa laban sa Last 16.
Sa kabilang dako, nagrally naman si Patrimonio mula sa first set na kabiguan upang igupo si Nattawadee Kotcha ng Thailand, 2-6, 6-1, 6-2 para mapigil ang shutout sa RP girls.
Matapos malaglag sa opening set, bumalikwas ang 16 anyos na si Patrimonio at nanalasa sa sumunod na dalawang set sa likuran ng malulutong na kombinasyon ng forehand winners at solidong return para maangkin ang panalo.
Si Patrimonio, 573rd ranked sa world sa ITF at makakalaban naman ang magwawagi sa pagitan nina 5th pick Rana Sherif Ahmed ng Egypt at Rico Sawayanagi ng Japan na kasalukuyang nagpapaluan pa habang sinusulat ang balitang ito.
Ang kanyang tagumpay ay tumabon sa kabiguan ng kapatid na si Anna Christine Patrimonio, Patricia Orteza, Shannin Olivarez, Marianne de Guzman at Jasmine Ho.
Nilasap ni Anna Christine ang 6-3, 3-6, 0-6 kabiguan kay Rona Lavian ng Israel, yumuko naman si Orteza kay top seed Zhu Lin ng China, 0-6, 1-6; yumuko si Olivarez kay Chinese Zhao Qiangian, 3-6, 1-6; natalo si de Guzman kay Thai Nahathai Kuntaket, 1-6, 2-6; habang nabigo si Ho kay Japanese Sane Ota, 5-7, 1-6.
Sinorpresa naman ni Belgian Jasmine De Sutter si sixth seed Mana Ayukawa ng Japan, 6-1, 7-5, habang ginulat ni Swiss qualifier Corina Jager si No. 7 Noy Mor ng Israel, 6-2, 6-1.