MANILA, Philippines - Tinahak ang tamang daan, sumulong ang second seed na si Philip Escueta patungo sa panalo nang iligaw ang kapwa Pinoy at top seed na si Paul Vivas para sa 21-17, 21-18 tagumpay upang angkinin ang korona ng U-19 boys ng Ming Ramos Youth Cup Victor Age Group Badminton Championships 2009 na ginanap kahapon sa Rizal Memorial Complex badminton hall.
Pumarada nang ikopo ang No.3 na si Aril Magnaye noong semis, pinagpatuloy ng Whackers BA player na si Escueta ang pagbiyahe patungo sa korona ng magbigay ng solidong performance at maigting na depensa upang hiyain ang Allied-Victor PCOME standout para sa pinakatampok na divison.
Isa pang galing sa grupo, nadaig ni fourth seed Jose Martinez, ang kaalyado sa Whackers BA na si Kevin Cudiamat, 21-14, 22-20, para pahagharian ang U-17 division ng event na hatid ng Victor PCOME at organisado ng Philippine Badminton Association bilang pagpupugay sa Pangulo nito at dating Unang Ginang na si G. Amelita “Ming” Ramos.
Bilang pagtatapos, ilan sa mga personalidad na nagpaunlak para parangalan ang mga natatanging manlalaro ay sina, dating Presidente Fidel V. Ramos, PSC chairman Amb. Harry Angping, PBA executive vice president PDG Edgar Aglipay, PBA sec-gen PCSUPT George Piano, Alexander Villamanca, president/CEO ng Victor PCOME at Conrado Co ng Victor-Allied Badminton Club .
Nanaig rin ang pwersa ni No. 2 Anton Cayanan ng Allied-Victor PCOME kay Joshua Monterubio ng JLTC/Flypower/Battledore, 21-19, 21-15, para iuwi ang U-15 diadem habang malalakas na hampas naman ang ginamit ni fourth ranked Vinci Manuel ng Battledore para dispatsahin ang No. 2 na si Alvin Morada, 20-22, 21-14, 21-19, para sa U-13 titulo.
Bumandera rin sina top seed Markie Alcala ng Allied-Victor, Airah Albo ng Powersmash, Amabel Sumabat ng WWGBA, Malvinne Alcala at Gelita Castillo kapwa buhat sa Allied-Victor PCOME para dominahin ang three day event na umengganyo sa mahigit 300 manlalaro sa buong bansa. (Sarie Nerine Francisco)