MANILA, Philippines - Binubuo ng grupo ng top shuttlers at pausbong na atleta ng Pilipinas, isang masiklab na pagbubukas ng telon ang inaasahan para sa pagsisimula ng Ming Ramos Youth Cup Victor Age Group Badminton Championships 2009 ngayong araw sa Club 650, Libis, QC.
Tanyag sa naturang isport, tumapos ng magandang rekord sa World Juniors Badminton Championships sa Malaysia pangungunahan nina Paul Vivas at Malvinne Alcala ang mahigit 300 manlalaro sa pagtarget ng titulo sa limang dibisyon ng kalalakihan at kababaihan sa singles at doubles events na organisado ng Philippine Badminton Association. PBA president at dating First Lady Amelita “Ming” Ramos.
Pormal na bubuksan ang kompetisyon sa pamamagitan ng ceremonial serve sa ganap na alas-8:30 ng umaga. Lalahukan ito ng mga manlalaro mula sa iba’t ibang panig ng Luzon, Visayas at Mindanao.
Pamumunuan ng Allied-Victor PCOME na si Vivas ang 19-under class na kinabibilangan nina second seed Philip Escueta ng Whackers BA, at RP pool members No. 3 Ariel Magnaye at fourth ranked Ian Bautista.
Habang ang top seed sa 19 under distaff side na si Alcala, katuwang sina Anna Barredo, Danica Bolos at Gelli Ramos ng DLSU Whackers na susugal sa susunod na three rankings sa centerpiece event.
Ang iba pang manlalarong aabangan ay sina Gelita Castilo, No. 2 Abegail Garcia ng JLTC.Flypower/Battledore, Janelle de Vera at Baredo. Gayundin, inaasahan ring aarangkada sa torneo sina Amabel Sumbat ng WWGBA, Alyssa Leonardo ng MSI JRS team, Marina Caculitan of Whackers at Paola Bernardo. (Sarie Nerine Francisco)