MANILA, Philippines - Halos dalawang linggo bago ang 25th Southeast Asian Games ay may kinakaharap pa ring problema ang Vientiane, Laos.
Inamin ni Professor Lammay Phiphakhavong, tumatayong 'Mayor' ng SEA Games Village, na kailangan pa ring ayusin ng pamahalaan ang kuryente, tubig at mga kuwarto bago magdatingan ang mga delegasyon.
"There are still some small problems with electricity, water, room keys and the canteen," ani Lammay. "Some lamps are broken, there is sometimes no hot water on the second and third floors, some of the rooms don’t have keys and there are some problems with the canteen toilets."
Nakatakda ang 2009 Laos SEA Games sa Disyembre 9-18.
Sakali namang hindi magkasya ang mga delegasyon sa SEA Games Village, sinabi ni Lammay na maaari nilang patirahin ang mga ito sa National University of Laos na isang kilometro ang distansya mula sa Vientiane.
Samantala, gusto naman ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose "Peping" Cojuangco, Jr. na hindi mapapagod sa biyahe ang mga miyembro ng Team Philippines.
"May mga flights kasi na dadaan ng Vietnam, may dadaan ng Cambodia at meron ding dadaan ng Thailand," ani Cojuangco. "So talagang napakahirap to figure out how we can get our athletes there as fast as possible and with at least less stress as possible."
Isang grupo na ang binuo ni Cojuangco upang matiyak ang kalagayan ng delegasyon na magtutungo sa Laos.
"Ito ngayon ang pinag-aaralan ng ating grupo na nagtatrabaho para sa transportation ng ating mga atleta," wika ni Cojuangco, nagdagdag ng 94 atleta sa naunang 153 ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping. (Russell Cadayona)