MANILA, Philippines - Itinala ni Thomasz Kaplan ng Poland ang pinakamalaking upset sa Day One ng second World Ten Ball Championship nang pabagsakin niya si world’s No.1 player Ralf Souquet ng Germany at nagparamdam din ang mga Netherlands bets sa world pool championship para sa men’s sa taong ito sa World Trade Center.
Bumangon si Kaplan sa 2-6 deficit at iginupo si Souquet, 9-6, para makasulong sa winner’s bracket.
Nanalo rin sa kani-kanilang opening matches sina defending champion Darren Appleton ng Great Britain at Dennis Orcollo ng Philippines.
Nagpakitang gilas naman si Appleton kontra kay Tey Choon Kiat ng Singapore, 9-5, at naisahan naman ni Orcollo si Steve Villamil, 9-6.
Naging magaan naman ang panalo nina Niels Feijen at Nick van den Berg, mga Netherland top-rated players, sa kani-kanilang mga laban.
Dinispatsa ni Feijen, ranked No. 3 sa world, si Scott Higgins ng Great Britain, 9-1, at mangaila-ngan na lamang ng isang panalo sa last 64 stage ng tournament.
Nanalo rin si Van den Berg kay Kim Wong Dae ng Korea, 9-1, para samahan ang kanyang kababayan sa pagsulong sa winner’s bracket.
Tinalo naman ni Chinese-Taipei bet Kuo Po Cheng si Matjaz Erculz ng Slovenia, 9-4. (Mae Balbuena)