MANILA, Philippines - Makalipas ang ilang buwang pagpapahinga, muling magpaparamdam ang defending champion De La Salle sa pakikipagbuno laban sa mapa-nganib na Letran sa ikalawang araw ng Philippine Collegiate Champions League Sweet 16 Finals sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Magtitipan naman ang reigning UAAP champion Ateneo at ISAA (Inter Scholastic Athletic Association) title-holder na Lyceum-Manila sa isa pang laro kung saan ang mananaig ay uusad sa Elite Eight ng torneo na magdedetermina ng pinakamagaling na grupo sa Philippine Collegiate league.
Nauna nang nakapa ng Far Eastern U at San Beda ang tamang landas patungo sa quarters nang pataubin ang Arellano at San Sebastian-Cavite, ayon sa pagkakasunod, para sa pagbubukas ng ligang hatid ng PLDT, Smart, ABS-CBN, The Philippine STAR at Molten.
Kumpara sa Ateneo-Lyceum match, mas magiging pukpukan ang laban sa pagitan ng La Salle at Letran na kapwa mabigat ang loob dahil sa pagkakatanggal sa Final Four ng kani-kanilang liga.
Samantala, magtatapat naman ang UE at University of Cebu, at eeksena rin ang University of Visayas kontra sa Mapua sa The Arena, San Juan City sa Sabado. (SNF)