Mayol, world champion na

MANILA, Philippines - Ngayon, isa nang world boxing champion si Rodel Mayol.

Taglay ang masidhing determinasyon at matayog na pangarap, tinalo ni Mayol si Edgar Sosa via second-round KO upang agawin sa Mexican ang hawak nitong World Boxing Council (WBC) light flyweight title kahapon sa Tuxtla Gutierrez sa Chiappas, Mexico.

Isang unintentional head-butt ni Mayol sa first round ang nagresulta sa pagluhod ni Sosa na nagbunga ng sugat sa kaliwang pisngi nito kasunod ang one-point deduction ni referee Robert Ramirez sa tubong Mandaue City, Cebu.

Sa second round, kaagad na sinugod ni Mayol ang hilo pang si Sosa para paulanan ng magkakasunod na suntok at kumbinasyon na nagpabagsak sa Mexican warrior para sa mandatory eight count ni Ramirez.

Muling umatake ang 28-anyos na si Mayol laban sa 30-anyos na si Sosa na wala nang nagawa kundi ang sumandal sa lubid na nagtulak kay Ramirez para itigil na ang laban.

Sa kanyang naagaw na WBC light flyweight belt na kinuha naman ni Sosa kay Brian “The Hawaiin Punch” Viloria via majority decision noong 2007, itinaas ni Ma-yol ang kanyang win-loss-draw ring record sa 25-4-1 kasama ang 20 KOs.

Nabigo naman si Sosa, may 37-6-0 (21 KOs) card, na maidepensa ang dati niyang hawak na WBC crown sa pang 11 sunod na pagkakataon.

Samantala, ang masamang eksperyensa ni Filipino seven-world division champion Manny Pacquiao noong 1999, ay muling nangyari kay “Marvelous” Marvin Sonsona matapos ang 10 taon.

Sa kanilang weigh-in bago ang pagdedepensa ng kanyang World Boxing Organization (WBO) super flyweight crown sa Casino Rama sa Ontario, Canada, tumimbang si Sonsona ng 117.6 pounds kumpara sa eksaktong 115 pounds ni Mexican challenger Alejandro “Payasito” Hernandez.

 Dahilan rito, napuwersa ang WBO na ipabakante sa 19-anyos na si Sonsona ang kanyang super flyweight title na kanyang inagaw sa 34-anyos na si Jose “Carita” Lopez noong Setyembre 4 sa Casino Rama. (Russell Cadayona)

Show comments