MANILA, Philippines - Ipinaramdam ni top seed Johnny Arcilla ang kanyang mainit na kampanya sa title-retention sa men’s singles nang igupo nito si No. 8 Rocky Paglalunan, 6-1, 6-3, at makapasok sa semifinals ng 28th Philippine Columbian Association (PCA) Open kahapon sa PCA indoor clay-shell court sa Plaza Dilao, Paco, Manila.
Umaasinta ng kanyang ikalimang sunod na titulo, sumandal ang 28 anyos na si Arcilla sa kanyang karanasan upang mapigil ang agresibong si Paglalunan sa ikalawang set.
"Nahirapan rin ako sa kaniya (Paglalunan) dahil agressive rin siya maglaro, " wika ni Arcilla na makakalaban sa semis si Australian Open juniors champion Francis Casey Alcantara na dumaig naman kay 3rd pick Elbert Anasta, 6-3, 6-3.
Sa kababaihan, naubos ang swerte ni defending champion Bambi Zoleta nang walang habas itong pinayuko ni No. 8 Anna Clarice Patrimonio, 6-1, 6-2.
Isang mainit na paghihiganti ito ng 15 anyos na anak ni 4-time PBA MVP Alvin Patriomonio na pinatalsik ni Zoleta sa semis noong nakaraang taon.
“This is my game. Na-control ko 'yung si Bambi by giving the ball side by side kasi medyo hirap kasi siya humabol ng bola," wika ni Patrimonio, na humatak ng lakas mula sa kanyang nanonood na ama.
Makakalaban ni Patrimonio ang 4-time champion na si Czarina Mae Arevalo sa semis. Humatak si Arevalo ng impresibong 4-6, 6-3, 6-3 panalo kay No. 3 Aileen Rogan. (Sarie Nerine Francisco)