MANILA, Philippines - Sa pagkakalagay sa panganib ng buhay ni Z "The Dream" Gorres, nagdesisyon na si Tony Aldeguer na wakasan na ang makulay na boxing career ng Filipino super flyweight fighter.
Sa panayam ng DZMM kahapon, sinabi ni Aldeguer ng ALA Boxing Promotion na kahit na makabalik pa ang 27-anyos na si Gorres mula sa pagkakalagay sa isang medically-enduced coma sa University Medical Center sa Las Vegas, Nevada noong Sabado (Manila time) ay hindi na niya itong papayagang lumaban sa ibabaw ng ring.
"No more. Boxing is out of the question," wika ni Aldeguer sa tubong Nasipit, Agusan del Norte. "It's very difficult for him to comeback and I will not allow him to comeback."
Mula sa isang matinding left hook ni Luis Melendez ng Colombia sa huling 20 segundo sa final round ng kanilang 10-round, non-title fight sa Mandalay Bay House of Blues, kumulapso si Gorres matapos ang pagtunog ng bell.
Agad na isinakay sa stretcher si Gorrez para dalhin sa UMC kung saan siya isinailalim ni nuerosurgeon Dr. Michael Seiff sa isang emergency surgery na bumawas sa bahagi ng kanyang bungo para mabawasan ang pamamaga ng kanyang utak.
Ganap na alas-11 ng gabi sa US (alas-3 ng madaling-araw sa bansa) ay nag-thumbs up sign si Gorres sa isang tanong sa kanya ng head nurse sa UMC.
Maliban rito, naging normal na rin ang brain activity ni Gorres, inihahanda sana ni Bob Arum ng Top Rank Promotions sa isang rematch kay Mexican world super flyweight champion Fernando Montiel sa Pebrero 13, 2010 sa Las Vegas Hilton, ayon kay Aldeguer.
"We are very lucky that the five doctors that attended Z Gorres are the top team in that field and he is in the hospital that specializes in things of this nature," ani Aldeguer kay Gorres. "Alam ko he's in safe hands talaga."
Idinagdag ng Cebuano boxing promoter na maaari nang gisingin ng mga duktor si Gorres sa mga susunod na araw.
"At the rate he is going, they might awake him three days to four days from now. And after that, they said, it will be good for him possibly to stay at least a month in the hospital and after that he might be given a rehabilitation. So we're talking between one month to three months in the hospital," ani Aldeguer.
Katuwang ni Arum sa pagsagot sa lahat ng gastusin ni Gorres, ipinanganak sa pangalang ZC mula sa pangalan ng kanyang amang si Celestino at inang si Zeta, ang MP Promotions ni Manny Pacquiao.
Kumpiyansa rin ang asawa ni Gorres na si Datchess na makakaligtas ang Filipino fighter para sa kanilang apat na anak.
"Tumigil muna siya kasi mahirap 'yung nangyari sa kaniya ngayon," ani Datchess kay Gorres. "Ayaw ko na po maulit kasi may mga anak pa kami, maliliit pa… Kailangang-kailangan namin siya. Sa kaniya pa rin yung desisyon kung ano ang plano niya." (Russell Cadayona)