Matapos na makalasap ng back-to-back na kabiguan ang Sta. Lucia Realty ay medyo nakapag-warm up ito sa pamamagitan ng panalo kontra sa guest team Smart Gilas sa kanilang exhibition game noong Biyernes.
Ito’y masasabing magandang paghahanda para sa pagtatagpo nila ng rumaragasang Barangay Ginebra sa Miyerkules.
Maganda sana ang naging simula ng tropa ni coach Teodorico Fernandez III dahil sa nakapagposte sila ng 3-1 record at antimano’y nasa ikalawang puwesto sila kaagad. Subalit sa grudge fight nila ng Alaska Milk ay dinaig sila ng Aces, 91-83 noong Nobyembre 4.
Tatlong araw pagkatapos niyon ay dinurog sila ng San Miguel Beer, 88-59 sa kanilang out-of-town game sa Victorias City, Negros Occidental para sa 3-3 karta.
Dahil hindi na naman kabilang ang mga games ng Smart Gilas sa team standings, bale may 11-day break ang Realtors upang paghandaan ang Barangay Ginebra..
Sa totoo lang, madugo ang "stretch" na ito para sa Realtors dahil ang Alaska Milk, San Miguel at Ginebra ang siyang top three teams sa kasalukuyan. Parang ito na ang butas ng karayom na dapat mapasok nina Fernandez upang ipakita sa lahat na kaya nilang maging contender sa torneong pinagharian nila dalawang seasons na ang nakalilipas.
Ang siste’y dalawang beses na nga silang nadiskaril dahil hindi sila umubra sa Alaska Milk at sa San Miguel Beer. At hindi nga rin sila nakalusot sa nagtatanggol na kampeong Talk N Text na tumalo sa kanila, 100-83.
Ang tatlong panalong nairehistro ng Realtors ay laban sa Coca-Cola (95-76), Rain Or Shine (95-90) at Burger King (101-93). Ang tatlong koponang ito ay nasa ibaba ng standings.
Sa kabila nito’y masasabing okay na rin (so far) ang performance ng Realtors. Kasi nga’y napakaraming mga pagbabago ang naganap sa line-up ng Sta. Lucia sa off-season. At ibang-iba na talaga ang take-charge guys ng team na ito kumpara sa mga nakaraang seasons.
Kumbaga’y umayon na rin sa agos ang Sta. Lucia at kumuha na talaga ng mga Fil-Ams o kaya’y mga Pinoy na lumaki sa abroad at dito na sumasandig nang husto. Na matagal na rin naman nilang dapat na ginawa. Tutal, may dugong Pinoy naman ng mga ito at hindi peke!
So, sa ngayon ay sina Kelly Williams at Ryan Reyes na ang 1-2 punch ng Sta. Lucia matapos na maipamigay nito sa Coca-Cola ang dating team captain na si Dennis Espino. Si Marlou Aquino na lang ang tanging manlalarong natitira buhat sa koponang nagwagi ng kauna-unahang titulo para sa franchise. Wala na rin kasi si Paolo Mendoza.
So, maituturing na parang transition period ito ng Realtors. Kabilang sa mga stabilizers ni Fernandez ang mga datihang sina Nelbert Omolon at Joseph Yeo. Bahagi naman ng "future plans" sina Gabby Espinas, Josh Urbiztondo, Mark Benitez at Charles Waters.
Medyo mahirap sa umpisa, pero kapag tumining na ang lahat, lalabas ang tunay na galing ng Realtors.
* * *
Happy birthday kay Darby Ballesteros na nagdiriwang ngayon, November 16. Belated greetings kay Nelson Beltran ng Philippine Star (Nov. 15).