MANILA, Philippines - Habang walang tigil ang huntahan tungkol sa panalo ni Manny Pacquiao kahapon, sinabayan ito ng San Miguel Beer sa pag-hugot ng kanilang ikaanim na sunod na panalo matapos igupo ang Barako Bull, 104-96 sa pag-usad ng PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum kahapon.
Pinangunahan ni Arwind Santos ang Beermen sa paghugot ng career high 33-points, 11 nito sa unang quarter tungo sa pagsulong sa 6-2 record sa likod ng nangunguna pa ring Alaska, 6-1.
"Arwind is something special,” ani coach Siot Tanquingcen ng San Miguel Beer. “Good thing about him, he has still room for improvement. With his potential, maganda na ang ipinapakita nya.”
Agad lumayo ang San Miguel ng 19-puntos, 36-17 at sapat na ito para pahirapan ang Barako Bulls na nakalapit lamang hanggang tatlong puntos 72-69 papasok sa final canto.
“We came out well but in a way biglang nagflatline kami kalagitnaan,” pahayag ni Tanquingcen. “Medyo nagpabaya kami, good thing we were able to come out from that complacency.”
Tumapos naman ng 17-puntos si Dennis Miranda, 11 nito sa fourth quarter kung saan muling lumayo ang Beermen upang ipa-lasap sa Barako Bull ang ikatlong sunod na talo.
Nasayang ang pagsisikap nina Yousif Aljamal at Paolo Hubalde na tumapos ng 21 at 20-puntos ayon sa pagkakasunod bunga ng kanilang pagkatalo.
Habang sinusulat ang balitang ito kasalukuyang naglalaban ang Purefooods (3-3) at Rain Or Shine (1-6).
San Miguel Beer--104 - Santos 33, Hontiveros 21, Miranda 17, Cortez 10, Pennisi 5, Peña 5, Villanueva 4, Tugade 4, Eman 3, Custodio 2, Racela 0, Calaguio 0.
Barako Bull 89 - Aljamal 21, Hubalde 20, Menor 18, Najorda 10, Dimaunahan 10, Sta. Maria 5, Alonzo 2, Crisano 2, Lao 1, Viray 0, Membrere 0, Belano 0.
Quarterscores: 31-14, 49-45, 72-69, 104-89.