Malinis na marka ng UST nadungisan

MANILA, Philippines - Pinakita ang tunay na kulay, hindi na hinayaan ng San Sebastian College na yumuko sila sa kamay ng University of Santo Tomas makaraang dominahin ang laban, 25-23, 23-25, 26-24, 25-22, kamakailan, upang sumosyo sa Far Eastern U sa ikalawang pwesto ng Shakey’s V-League Season 6 sa The Arena, San Juan City.

 Binitbit ang koponan patungo sa tagumpay, dinungisan ni skipper Joy Benito ang imakuladang baraha ng Tigresses nang magpakawala ito ng 25 attacks habang nagsanib pwersa naman sina guest player Jinni Mondejar, Margarita Pepito and Melissa Mirasol upang makabuo ng umaatikabong 40 points para sa Lady Stags.

 Isang malaking panalo ito para sa San Sebastian na nagtamo ng dalawang sunod na pagkatalo sa kamay ng Tigresses noong huling laban ng eliminasyon at sa Adamson Lady Falcons sa pag-uumpisa ng quarterfinals.

 Sa kabilang banda, dahil sa matikas na banat ng UST na-sweep nito ang elims kabilang ang pagbaon sa reigning five-time NCAA champion Lady Stags noong nakaraang linggo subalit pursigidong makabawi, tinutukan ng Recoletos based squad ang lahat ng aspeto ng laban upang gapiin ang UST spikers at pumares sa 6-3 marka ng FEU.

 Nananatiling nakaposisyon ang SSC at FEU sa likod ng UST (7-1) habang magkasosyo naman ang Adamson at Ateneo-OraCare sa pang-apat na pwesto na may 5-4 marka at umaasa pa rin ang St. Benilde na makahabol sa susunod na round makalipas na patumbahin ang Ateneo, 25-22, 28-26, 25-23.

 Samantala, sisikapin ng San Sebastian na bumulusok sa semis sa pagpapayuko sa Ateneo sa labanan nilang naka-takda bukas ng alas-4 ng hapon, habang ibubunton ng UST ang sidhi ng damdamin sa pakikipagtipan nito sa Adamson sa ganap na alas-6 ng gabi.

 Hangad rin ng St. Benilde na madugtungan ang buwenas nito sa pagpapatalsik sa FEU para sa inisyal na laban ng umaatikabong triple bill ng ligang organisado ng Sports Vision at suportado ng Accel, Mikasa, Mighty Bond at OraCare. (SNFrancisco)

Show comments