MANILA, Philippines - Kontrolado ang sitwasyon pabor sa kanilang kampo susubukan ng University of Santo Tomas na ma-sweep ang elimination round kontra karibal na San Sebastian College sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 6 sa The Arena, San Juan City na maaring maging paunang pasiklab ng napipintong kampeonato.
Matatandaang nag-harap na ang dalawa sa naunang kumperensya kung saan nagreyna ang Tigresses sa kanilang sudden death match, gayundin nananatiling matatag ang UST sa kasalukuyang season dahil sa binabanderang perpektong baraha.
Upang mapanatag sa tuktok, kinakailangang rumatsada nina skipper Aiza Maizo, Angeli Tabaquero, Rhea Dimaculangan, Maika Ortiz, guest player Roxanne Pimentel at premyadong rookie Maruja Banaticla upang makuha ang back to back title ng liga makaraang mamuno rin sa Unigames sa Iloilo.
Subalit hindi basta basta matitinag ang NCAA five time champion, San Sebastian bagamat natalo sila sa kamay ng FEU Tams may magandang baraha (5-1) pa rin itong pinanga-ngalandakan.
Kung sakaling manaig ang San Sebastian, magkakaroon ng three way tie sa pagitan ng Tigresses, Lady Tams at Lady Stags na sasagupa sa isang dikdikang quarterfinal phase ng ligang hatid ng Shakey’s Pizza, at isa pang single round robin affair ang ilulunsad para sa top four teams na aabante sa semifinals.
Samantala, para sa laban na magaganap ng alas kwatro ng hapon, matindi ang gitgitan ng Ateneo OraCare at Adamson na kapwa may 3-3 marka. Dahil dito parehong hangad ng dalawang koponan na mapai-nam ang hawak na rekord na gigiya sa susunod na round ng torneong suportado ng Mikasa, Accel, Mighty Bond and OraCare.
Para sa inisyal na laro, maghaharap ang UP at Lyceum perehas nang napatalsik sa liga. (Sarie Nerine Francisco)