Donaire Sr. problemado na ba kay Sonsona?

MANILA, Philippines - Nagkakaroon nga ba ng problema si Filipino trainer Nonito "Mang Dodong" Donaire, Sr. sa bagong world super flyweight champion na si "Marvelous" Marvin Sonsona?

Sa panayam kahapon ni Dennis Principe sa kanyang "Sports Chat" sa DZSR Sports Radio kay Donaire mula sa Cebu City, inamin nitong nagiging matigas ang ulo ng 19-anyos na si Sonsona pagdating sa training.

"Meron siyang mga instructions ko na hindi niya sinusunod, katulad ng sa roadwork na kaila-ngan ng isang boxer pagtuntong niya sa ibabaw ng ring," wika ni Donaire kay Sonsona.

Ayon kay Donaire, malaki ang magiging epekto ng kakapusan nila ng panahon sa paghahanda para sa pagdedepensa ni Sonsona sa kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) super flyweight crown.

Kaya naman ibinubuhos na lamang ito ni Donaire sa sparring session ng tubong General Santos City.

"Sabi ko nga araw-araw ang sparring namin para maka-catch up sa stamina niya sa loob ng ring kasi kung hindi namin makuha 'yon at ang kondisyon sa lugar na paglalabanan, mahihirapan kami," ani Donaire, ama ni world flyweight king Nonito "The Filipino Flash" Donaire, Jr.

Nakatakdang itaya ni Sonsona ang kanyang WBO belt laban kay Mexican challenger Alejandro "Payasito" Hernandez sa Nobyembre 21 sa Casino Rama sa Ontario, Canada.

Bibiyahe ang Team Sonsona patungong Canada sa Nobyembre 13.

Tinalo ni Sonsona ang 34-anyos na si Jose "Carita" Lopez via unanimous decision upang agawin sa Puerto Rican ang suot nitong WBO super flyweight belt noong Setyembre sa Ontario, Canada.

Ibinabandera ni Sonsona ang 14-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 12 KOs, habang dala naman ng 23-anyos na si Hernandez ang 22-7-1 (11 KOs) slate.

Nasa undercard ng Sonsona-Hernandez title fight ang laban ni WBO Oriental super bantamweight champion Ciso "Kid Terrible" Morales (13-0, 8 KOs) kay Mexican Miguel Angel Gonzalez Piedras (10-1, 4KOs). (Russell Cadayona)

Show comments