MANILA, Philippines - Upang hindi na makawala sa inaasinta, kapwa naglista ng straight set na tagumpay ang San Sebastian College at Ateneo-OraCare kontra sa kani-kanilang kalaban upang umusad sa quarterfinal round ng Shakey’s V-League Season 6 sa The Arena sa San Juan, kahapon.
Bumangon mula sa 20-23 pagkakabaon, nakahinga ng maluwag ang Lady Stags, ang reigning five-time NCAA titlist, makaraang ilista ang 25-23, 28-26, 25-21 tagumpay laban sa Lyceum Lady Piratespara sa kanilang ikatlong panalo sa apat na panimula.
Sinamantala ang pagkawala nina Giza Yumang at top hitter Kara Agero, inilista ng Lady Eagles ang 25-22, 25-23, 25-18 panalo laban sa College of St. Benilde,.
Naghahanda sa kanilang malaking laban kontra sa San Sebastian Lady Stags bukas, nagpakita ng mahusay na laban ang Lady Eagles unang madispatsa ang Lady Blazers, sa mabibilis na laro at sold net defense.
Umiskor ng 16 puntos si File Cainglet habang nagpaka-wala naman ng 12 atake si Angeline Gervacio para sa 14 hits habang ang guest player na si Charo Soraino naman ay nakipagtulungan kay Denise Acevedo para sa Lady Eagles na nakatakdang makipagpaluan sa SSc Lady Stags bukas sa tampok ng laban.
Bunga ng panalong ito, napaganda ng Ateneo ang kanilang baraha sa 3-2 at makatabla ang Adamson patungo sa huling tatlong playdates ng single round qualifier kung saan ang top six ang susulong sa quarterfinals bitbit ang kanilang marka sa elimination.
Ang pagkalaglag ng St. Benilde sa 1-4 sa ikaanim na posis-yon ay nagbigay daan naman sa Lyceum (0-4) at UP (0-5) ng tsansang makapasok sa huling quarterfinals sa ligang ito na hatid ng Shake’s Pizza at suportado ng Mikasa, Accel, Mighty Bond at OraCare.
Si Yumang, na kumana ng 23 hits sa kanilang laban sa FEU, ay hindi nakalaro kasama si Agero dahil sa nauna nilang commitment na maglaro sa Unigames sa Iloilo City. (SNF)