MANILA, Philippines - Hanggang kahapon ay umaasa pa rin si long distance runner Cristabel Martes na makakalahok para sa darating na 25th Southeast Asian Games sa Laos sa Disyembre.
Isang pulong ang itinakda ngayon ng national coaching staff ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) para pagdesisyunan ang kapalaran ni Martes.
Sa kabila ng pinaikot na isang memorandum ni PATAFA president Go Teng Kok noong Setyembre 15, sumali pa rin ang 30-anyos na si Martes sa nakaraang 33rd MILO National Finals noong Oktubre 10 kung saan siya nagreyna at iniuwi ang premyong P75,000.
“Ang dahilan ko naman kay Mr. Go kasama rin sa training ko para sa SEA Games ‘yung pagsali ko sa MILO,” sabi ng 30-anyos na si Martes, gold medalist sa 2005 Philippine SEA Games.
Bukod sa pagiging bahagi ng kanyang preparasyon para sa 2009 Laos SEA Games, ang katayuan rin ng kanyang anak na si Maryam Sophie at pamilya sa La Trinidad, Benguet na sinagasaan ng bagyong si “Pepeng” ang naging dahilan ng kanyang pagsali sa nasabing 42-kilometer race.
“Siyempre, hoping pa rin ako na makalaro ako sa Laos SEA Games,” sabi ng tubong La Trinidad, Benguet. “Pero nasa coaching staff na ang desisyon kung ano ang plano nila sa akin.”
Sakali namang tuluyan na siyang sibakin para sa 2009 Laos SEA Games, ito ay maiintindihan ni Martes.
“Naiintindihan ko naman sila kasi kung pagbibigyan nila ako, baka gayahin nu’ng ibang athletes. Pero sana makalaro ako sa SEA Games kasi baka ito na ang huli ko eh,” ani Martes.
Ang memorandum sa mga national long distance runners kagaya nina Martes, Jho-Ann Banayag, Mercedita Manipol at Eduardo Buenavista ay nagbabawal sa kanilang lumahok sa mga karerang lalagpas sa 10 kilometro.
Sina Banayag, Manipol at Buenavista ay hindi sumali sa MILO National Finals sa takot na tanggalin sa national team na isasabak sa 2009 Laos SEA Games. (Russell Cadayona)