MANILA, Philippines - Bagamat nabakante ng halos 11 buwan, ipinakita pa rin ni dating super bantamweight title contender Rey "Boom Boom" Bautista ang kanyang tibay at lakas.
Tinalo ni Bautista si Marangin "Dinamita" Marbun ng Indonesia via seventh-round TKO upang angkinin ang bakanteng interim World Boxing Council (WBC) International featherweight crown kamakalawa ng gabi sa Waterfront Hotel sa Cebu City.
Isang left straight kasunod ang matulis na right straight ng 23-anyos na si Bautista ang tuluyan nang nagpabagsak sa 24-anyos na si Marbun sa 1:25 ng round seven.
May 27-2-0 win-loss-draw ring record ngayon si Bautista kasama ang 20 KOs kumpara sa 19-6-1 (7 KOs) ni Marbun.
Bago talunin si Marbun, nanggaling muna ang tubong Candijay, Bohol sa isang kabiguan kay Mexican Heriberto Ruiz sa kanilang eight-round, non-title fight noong Nobyembre 22, 2008 sa MGM Grand Las Vegas, Nevada.
Nakipagsabayan si Bautista kay Marbun sa first at second round hanggang kumonekta ang Indon fighter ng isang left hook na nagpaatras sa Filipino pug.
"Medyo na-groggy talaga ako nu'ng tinamaan ako, pero naka-recover naman ako kaagad," wika ni Bautista, natalo kay Mexican Daniel Ponce De Leon via first-round TKO noong Agosto 11, 2007 para sa World Boxing Organization (WBO) super bantamweight belt. (Russell Cadayona)