MANILA, Philippines - Kung makakasingit man sila ng konting oras ni American trainer Freddie Roach ay magi-ging kuntento na ang Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP).
Umaasa si ABAP executive director Ed Piczon na mapagbibigyan sila ng boxing Hall of Famer para sa kanilang development program.
Kamakailan ay inimbitahan ng ABAP si Roach kasama sina American trainer Ken Porter, ama ng sparring partner ni Pacquiao na si Shawn, at si Filipino trainer Nonito "Dodong" Donaire, Sr. na ama ni world flyweight king Nonito "The Filipino Flash" Donaire, Jr. para sa pagpili ng mga amateur pugs na isasabak sa 25th Southeast Asian Games sa Laos.
"Inanyayahan natin si coach Freddie Roach na mag-take charge sa prosesong ito, ito ay isang hudyat na tayo ay interesado sa kanya kung meron siyang oras na maibibigay," ani Piczon kay Roach.
Kasalukuyang inihahanda ng 49-anyos na si Roach si Filipino boxing hero Manny Pacquiao para sa laban nito kay Puerto Rican world welterweight Miguel Cotto.
Ayon kay Piczon, ang trabaho bilang consultant lamang ang posibleng tanggapin ni Roach kung mapaplantsa ang kanilang usapan ng ABAP na pinamumunuan nina chairman Manny V. Pangilinan at president Ricky Vargas ng PLDT Telecommunications.
"I doubt kung magkakaroon siya ng sapat na panahon para maging head coach or one of the coaches. Siguro as a consultant lang," wika ni Piczon kay Roach na nagbabalak na magtayo ng bantog na Wild Card Boxing Gym sa Baguio City.
Para sa 2009 Laos SEA Games sa Disyembre, pinili nina Roach, Porter at Donaire sina pinweight Bill Vicera, light flyweight Harry Tanamor, flyweight Rey Saludar, bantamweight Joan Tipon, featherweight Charly Suarez at lightweight Joegin Ladon.
Apat na women boxers naman ang nakatakdang pa-ngalanan ng ABAP sa mga susunod na araw para sa 2009 Laos SEA Games.
(Russell Cadayona)