MANILA, Philippines - Matapos makansela ng tatlong beses ang laro bunga ng masamang panahon, magpapatuloy ngayon ang 40th Women's National Collegiate Athletic Association (WNCAA) tournament ngayon kung saan hangad ng Lyceum ang ikaapat na sunod na basketball title at ika10th sunod na volleyball crown sa St. Scholastica's College gym.
Hangad naman ng La Consolacion College Manila at University of Asia and the Pacific, ang unang WNCAA championship sa Senior B basketball at volleyball title series, ayon sa pagkakasunod.
Tinalo ng Lyceum ang College of St. Benilde noong September 20 sa Game 1, 52-42, ang ikalawang panalo ng Lady Pirates sa Lady Blazers sa season na ito at seventh overall sa gayong ding dami ng laro at ang Game Two ay magsisimula ng alas-10:30 ng umaga.
Ang rookie-laden Lady Pirates, tumalo din sa Lady Blazers sa 33rd, 35th at 39th season championships, ay muling pa-ngungunahan nina Lalaine Flor-mata, Jessica Polindey, Jona Yasay, Kristina de Jesus at Arlene Gesalan.
Maiuuwi rin ng Lyceum ang Senior A volleyball diadem kung muli nilang tatalunin ang Rizal Technological University sa kanilang alas-3:30 ng hapong laban.
Sa Senior B basketball, tangka ng La Consolacion ang unang titulo laban sa UA&P sa alas-10:30 ng umaga. Nakalusot ang Blue Royals sa Game 1, 58-57, at muling sasandal kina Hazel Mangabat, Katrine Catalan, Dona Mae Espino at Joanna Licuanan.
Ang UA&P, na pumasok sa liga sa ika-35th season, ay naghahangad ng titulo sa Senior B volleyball plum kontra sa Centro Escolar University sa alas-2:00 ng hapon.