MANILA, Philippines - Sa likod ng magandang ‘offer’ ng Burger King kay Japeth Aguilar, malabo pa ring maglaro sa BK Whoppers ang kanilang top draft pick sa PBA na magbubukas na sa Linggo ng season opening conference na Philippine Cup.
Para lamang himukin si Alvarez, mas pinili na maglaro sa National Youth team na Smart Gilas, inalok na ni Burger King board representative Lito Alvarez, ang chairman ng liga, si Aguilar na kung lalaro ito sa BK Whoppers ay papahintulutan din nila itong maglaro sa Smart Gilas team na magi-ging guest team sa PBA.
Ngunit hindi pa rin lumambot si Aguilar gayunpaman ay gusto pa rin ni Alvarez na makahanap ng solusyon sa gusot na ito.
Ayaw nang umabot pa ni Alvarez sa puntong ipapa-ban nila si Aguilar sa PBA kaya may mungkahi siyang solusyon.
Kailangan lamang pumirma ni Aguilar ng kontrata na inaalok sa kanya at maaaring –trade na lamang ito. Ayaw kasi ng Burger King na walang mangyari sa pagkuha nila kay Alvarez lalo pa’t naipaigay na nila ng palugi si Arwin Santos sa San Miguel.
“All he needs to do is sign the contract we are offering him and we will play it by ear after that,” ani Alvarez na nagsabing hindi sila mamimilit ng player na ayaw sa kanila. “We have never had a history of holding on to a player if he doesn’t want to play for us. And we will not start now. I’m sure a trade (with other teams) could easily be arranged.”
Si Aguilar ay inalok ng maximum allowable contract na P8.7 milyon ng Burger King na tinanggihan nito bukod pa sa papayagan siyang lumaro sa Smart Gilas kaya madadagdagan pa ang kanyang kita.
Nauna nang napagkasunduan ng Board members na hindi nila papayagang makalaro si Aguilar sa Smart Gilas kung hindi ito makikipag-ayos sa Burger King.
Bagamat may pinagawa nang uniporme ang Burger King para kay Aguilar, malabong makasama nila ito sa season opening game kontra sa Purefoods sa Linggo sa pagbubukas ng 35th season sa Araneta Coliseum. (Mae Balbuena)