MANILA, Philippines - Matapos makuha ang kanyang kauna-unahang world boxing crown, nakatakda naman itong idepensa ni “Marvelous” Marvin Sonsona sa isang Mexican challenger.
Itataya ng 19-anyos na si Sonsona ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) super flyweight title laban kay Alejandro “Payasito” Hernandez sa Nobyembre 21 sa Casino Rama sa Ontario, Canada.
Umiskor si Sonsona ng isang unanimous decision laban sa 34-anyos na si Jose “Carita” Lopez para agawin sa Puerto Rican ang dating hawak nitong WBO belt noong Setyembre 4 sa Casino Rama.
Ibabandera ng tubong Ge-neral Santos City ang kanyang matayog na 14-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 12 KOs, samantalang dadalhin naman ng 23-anyos na si Hernandez ang kanyang 22-7-0, (11 KOs) slate.
Gagawin ni Sonsona ang kanyang unang title defense pitong araw matapos namang sagupain ng kanyang kababayang si Filipino boxing superstar Manny Pacquiao si Puerto Rican world welterweight titlist Miguel Angel Cotto sa Nobyembre 14 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Sinasabing mahihirapan si Sonsona kay Hernandez bunga ng hindi pagkakalayo ng kanilang mga edad.
Ngunit bago hamunin si Sonsona, natalo muna si Hernandez kay Wilbert Vicab para sa nakatayang North American Boxing Federation (NABF) flyweight crown sa Ciudad Nezahulcoyoti sa Mexico noong Setyembre 11.
Ang tanging matinding kredensyal ni Hernandez ay ang kanyang pag-angkin sa WBO Latino flyweight crown matapos talunin si Jonathan Perez via unanimous decision noong Pebrero 16, 2007 bago ito naagaw sa kanya ni Carlos Tamara noong Disyembre 7 ng nasabi ring taon. (Russell Cadayona)