Simula na - sa wakas - ng UAAP Finals, at pinapaburan ang Ateneo de Manila, bagamat nakapagpahinga na rin ang University of the East. Sa panig ng UE, marami silang multo ng nakaraan na dapat limutin, lalo na laban sa Ateneo.
Noong 1987, kabilang si national team member Jerry Codinera, tinalo ang Red Warriors ng Blue Eagles sa kampeonato, kabilang noon sina Jun Reyes at ang karelyebo niyang si Olsen Racela. Sa Final Four noong 2002, nawala ni Paul Artadi ang bola kay Gec Chia, na siya namang tumira ng nagpanalo sa Ateneo. Noong taong iyon muli nagkampeon ang Blue Eagles. Bagamat nakabawi ang UE noong 2007 sa pagwalis ng lahat ng kalaban, sila naman ang pinahiya ng nanunumbalik na De La Salle Green Archers, at nablangko sa finals.
Ang kagandahan naman sa Red Warriors ay iba-iba rin ang kanilang pamamaraan ng pagpapanalo. Sa unang laban sa FEU sa Final Four, kinana nila sa pamamagitan ng outside shooting, lalo na sa limang three-pointers ni Paul Lee sa fourth quarter. Sa Ikalawang laro ng serye, Dinaan naman nila sa walang-tigil na pamumuwersa't ganda ng rebounding. Sa second half, nagtapon ng bola ang Tamaraws, at tinapon na rin ang serye.
Sa panig ng Blue Eagles, nadulas lang sila minsan laban sa UP. Sila ang nangunguna sa opensa at depensa, naghahari sa 42.7 % field goal shooting, una sa liga. At nanunuyo ang mga kalaban sa 34.7 % naman.
Nadagdagan pa ng laki ang Ateneo sa pagbabalik ni Nico Salva, na nasuspinde dala ng pakikipag-away sa huling laro laban sa FEU.
Kailangan ng Blue Eagles gamitin ang kanilang karanasan sa championship, dahil siguradong aasarin sila ng mas maliit na Red Warriors. Pinakamalaking target ng UE si Rabeh Al-Hussaini, ang dating MVP, na mahilig magreklamo. Baka siya pa ang madaling mapapaalis dala ng foul.
Dalawa ang problema ng UE, ang depensa at outside shooting ng Ateneo.
Pahihirapan sigurado si Lee nila Jai Reyes at Eric Salamat sa pag-akyat ng bola. Kailangang masolusyonan ito ni coach Lawrence Chongson. Depensa ang forte ni Norman Black, at lalong humihigpit ito habang tumatagal. Sa frontline, magtatapat din si Nonoy Baclao at Elmer Espiritu, na isa sa pinakamagandang match-up sa buong liga.
Nabubuhay sa emosyon ang Red Warriors, samantalang disiplina ang lamang ng Blue Eagles. Ang UE ang underdog, na di inakala ng marami na makakarating sa Finals. Para silang bagyo, lalo na sa huling walong larong sunud-sunod na panalo. Subalit mas marami ang kadena ng panalo ng Ateneo, na para namang daloy ng dagat.
Sino ang unang maaawat?