MANILA, Philippines - Matapos si “Marvelous” Marvin Sonsona, si Drian Francisco naman ang magtatangkang makagawa ng eksena sa world boxing scene.
Nakatakdang hamunin ni Francisco si two-time world champion Roberto Vasquez ng Panama para sa World Boxing Association (WBA) International super flyweight crown sa Oktubre 3 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ibabandera ng 26-anyos na si Francisco ang kanyang malinis na 17-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 13 KOs kumpara sa 27-3-0 slate (20 KOs) ng 25-anyos na si Vasquez.
Nakatakda sanang magtagpo sina Francisco at Vasquez noong Hulyo 26 bago ito inilipat sa Oktubre 3.
“Talagang pinag-handaan ko ang laban na ito kahit na na-postpone talagang tuloy pa rin ang pag-eensayo ko,” sabi ni Francisco sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue branch sa Maynila.
Nauna nang umagaw ng eksena ang 19-anyos na si Sonsona makaraang agawin kay Jose “Carita” Lopez ng Puerto Rico ang suot nitong World Boxing Organization (WBO) super flyweight belt via unanimous decision noong Setyembre 4 sa Ontario, Canada.
Ayon kay Francisco, tubong Sablayan, Oriental Mindoro, ito na ang pagkakataon para makilala siya sa world boxing circuit.
Inangkin ni Francisco, binigo si Sharil Fabanyo sa kanyang huling laban noong Abril sa Araneta Coliseum, ang WBO Asia-Pacific flyweight title nang talunin si Pichitchok Singmanassak ng Thailand via seventh-round TKO noong 2006.
Sa undercard, sasagupain ni Michael Domingo si US Olympian Jose Navarro, habang haharapin ni Milan Melindo si Ivan Meneses, at lalabanan ni Al Sabaupan si Josafat Perez at makakatagpo ni Michael Farenas si Jong Ang Baek. (Russell Cadayona)