Paglangoy sa Asian Indoor importante para sa paglahok ni Molina sa SEAG

MANILA, Philippines - Lubhang magiging mahalaga para sa paghahanda ni national swimmer Miguel Molina sa 25th Southeast Asian Games sa Laos ang paglahok sa darating na Third Asian Indoor Games sa Hanoi, Vietnam.

Ayon kay Philippine Amateur Swimming Association (PASA) president Mark Joseph, nasa dulo na ng kanyang preparasyon si Molina para sa 2009 Laos SEA Games.

“Part of the preparation for big international competitions is to join swim meets,” wika ni Joseph Kay Molina. “The Asian Indoor Games is very important to him.”

Mula sa inilistang 162 national athletes ng Philippine Olympic Committee (POC) para sa Asian Indoor Games sa Vietnam, 50 lamang rito ang susuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC).

Nakatakda ang naturang event sa Oktubre 30 hanggang Nobyembre 8.

Kabilang sa idinahilan ng PSC ukol sa kanilang pagsusuporta sa 50 atleta lamang ay sa posibleng pagkakaroon ng injury ng mga atletang isasabak sa 2009 Laos SEA Games at ang pagsilip sa kakayahan ng mga ito.

“As far as Miguel Molina is concerned, he’s already been scouted during the FINA World Championship in Rome,” wika ni Joseph sa two-time Olympic Games campaigner. “He’s still the fastest swimmer in Southeast Asia right now.”

Apat na gintong medalya ang nilangoy ni Molina, kasalukuyang nasa Japan, sa 2007 SEA Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand para kilalaning Best Athlete. (Russell Cadayona)

Show comments