Reyes, PBAPC Coach of the Year Cojuangco, Executive of the Year

MANILA, Philippines - Tatanggapin nina Talk N Text coach Chot Reyes at San Miguel Corp. chairman Eduardo “Danding” Cojuangco Jr. ang pangunahing parangal bilang Coach of the Year at Executive of the Year sa 2009 PBA Press Corps Annual Awards sa The Alegria ng Waterfront Manila Pavilion sa Linggo ng gabi.

Si Reyes ang tatanggap ng prestihiyosong Virgilio ‘Baby’ Dalupan Trophy nang daigin niya si Siot Tanquingcen ng San Miguel para sa parangal.

Nakuha ng Talk N Text mentor ang boto ng grupo sa paggiya sa Tropang Texters sa Philippine Cup championship sa kanyang ikalawang season lamang sa team. Napagwagian na niya ang Dalupan trophy noong 1993, 2002 at 2003.

Sa kabilang dako, runaway winner naman si Cojuangco sa pagkakapili sa kanya bilang Executibve of the Year bunga ng kanyang kahanga-hanga at sportsmanlike position lalo nang ibilang niya si Fil-Am player Gabe Norwood sa pro-draft.

Si Norwood ay kinuha ng Rain Or Shine bilang top pick at tinanghal na Rookie of the Year.

Bilang PBA Hall of Famer, si Cojuangco ay isang epitome ng team owner. Kinikilala siya hindi lamang sa maningning na achievement bilang dating project director sa basketball kundi bilang masugid na supporter ng PBA sa pamamagitan ng San Miguel Corp., Barangay Ginebra at Purefoods.

Papagitna sa tanghalan sina Reyes at Cojuangco upang tanggapin ang parangal sa awards rites na hatid ng Smart Sports, San Miguel Corp., Coca-Cola at PAGCOR Sports.

Nakatabla naman ni Arwind Santos, winner ng Defensive Player of the Year award noong 2008, si Jimmy Alapag sa Order of Merit winners sa PBAPC’s Player of the Week program. Tatlong beses nilang napagwagian ang karangalan at magsososyo sila sa tropeong ipiprisinta ng Accel.

Ang iba pang pararangalan ay sina Wynne Arboleda, Jason Castro, Mike Cortez, Gabe Norwood, Sol Mercado, Jared Dillinger, Bonbon Custodio, Larry Rodriguez at referee Throngy Aldava.

Inaasahan ang pagdalo ni Dalupan para personal na igawad ang Dalupan Trophy sa Coach of the Year. Ang iba pang awardees ay tatanggap ng eleganteng tropeo mula sa Angel Zamora and Sons.

Show comments