MANILA, Philippines - Bumira ng importanteng freethrow, nailigtas ni John Wilson ang Jose Rizal sa isang pukpukang laban kontra Angeles U Foundation, 85-81 kahapon at makalapit sa Final Four ng 85th NCAA basketball tournament sa FilOil/Flying V, San Juan City.
Bagaman, matamlay ang panimula sa inilistang 5 points, nagningning pa rin si Wilson ng ibuslo ang importanteng basket sa krusyal na bahagi ng laban na nagselyo ng 14th pananaig ng JRU na naglapit sa wala pang talong San Sebastian (15-0).
Sa ikalawang seniors game, katulad ng pagnanais ng JRU, nakalapit din ang reigning three-peat titlist San Beda sa twice-to-beat advantage nang igupo nito ang College of St. Benilde, 66-54.
Ang panalo ay nagbigay sa Red Lions ng 14-2 marka tulad ng Heavy Bombers.
Hindi napakinabangan ng San Beda sina Jay-R Taganas at Bam Bam Gamalinda dahil sa injury ngunit napunan naman ito ng Kanong si Sudan Daniel na naglista ng 19 puntos at 12 rebounds.
Sa naunang salpukan, naging matindi ang hamon ng Great Danes para sa Bombers nang rumatsada si Limmuel Manarang at naglista ng 11 sa kanyang 14 points kontribusyon para tapyasin ang kalamangan sa 81-83, 4.9 tikada sa huling quarter.
Subalit masyadong na-ging agresibo, naipadala ni Manarang si Wilson sa foul line na siyang tumuldok sa natitirang pag-asa ng Angeles U.
Bukod kay Wilson, nagbigay rin ng 15 points at 9 rebounds kontribusyon si Marvin Hayes habang nagdagdag ng tig 14 points sina Mark Cagoco at John Agas para sa Bombers.
Para sa juniors division, napaganda ng San Beda Red Cubs ang kalibre sa paghatak ng twice to beat advantage matapos supilin ang CSB-La Salle Greehills Junior Blazers 96-57.
Kumonekta ng 17 points si Baser Amer para iposte ang 14-1 rekord at pinamunuan ni Louie Vigil na mayroong 39 points produksyon ang Light Bombers sa pagdurog sa Angeles U Foundation Junior Danes, 119-31. (Sarie Nerine Francisco)