MANILA, Philippines - Panandaliang aapulahin ang nagliliyab na isyu patungkol sa Smart Gilas player na si Mark Barroca, puspusan ang paghahandang ginagawa ng Far Eastern University para umusad sa finals sa pakikipagtagpo nito sa No. 3 na University of the East sa pagpapatuloy ng UAAP seniors basketball tournament ngayong araw sa Araneta Coliseum.
Hawak ang twice-to-beat advantage, isang panalo lang ang kailangan ng Tamaraws para maisubi ang puwesto sa finals at tsansang maangkin ang ika-20th titulo.
Wala pa ring malinaw na impormasyon, hindi pa rin tiyak kung makakalaro ang kontrobersyal na Zamboangeñong si Barroca dahil sa usap-usapang “game-fixing” nito dahil sa mababang tala sa huling dalawa nitong laban lalo’t higit ang pukpukang sagupaan kontra Ateneo.
Ngunit tikom pa rin ang bibig ayaw pa ring magkomento ng pamunuan ng FEU sa naturang balita.
“We will make an official statement tomorrow (today), let’s just wait for the announcement,” ani Anton Montinola, pangulo ng UAAP sa bisperas ng laro.
Maging ang agent ni Barroca na si Ed Ponceja ay ayaw na ring magsalita.
“Huwag na lang. Hintayin na lang natin ang pahayag ng management,” ani Ponceja na naunang nagsabing nag-quit na sa FEU si Barroca.
Naunang ipinahayag na hindi na lalaro sa FEU si Barroca dahil sa hindi umano pagkakaintindihan kay coach Glenn Capacio.
Dahil dito wala pa ring kasiguruhan ang kapalaran ni Barroca. Bagaman marami ang lumalabas na ulat kontra sa kanya, naninindigan pa rin si Barroca na malinis ang kanyang konsensya at walang katotohanan lahat ng paratang sa kanya.
Bagaman wala pang pinal na desisyon, inaasahang aarangkada pa rin si Aldrech Ramos para ibandera ang napanalunang MVP award kung saan nagbigay ito ng 16 points, 16 boards sa 73-74 pagkatalo ng Tams sa Blue Eagles sa unang round.
Bukod dito, pupuwersahin rin ni Reil Cervantes at rookie RR Garcia ang panalo para sa FEU.
Magbubuno naman ang No. 1 Ateneo at fourth seed University of Santo Tomas bukas sa hiwalay na semis pairing.
Tulad ng FEU, isang panalo lang rin ang kaila-ngan ng Blue Eagles para makampante sa pwesto sa finals. (SNFrancisco)