MANILA, Philippines - Hindi pa man umaakyat sa ring, humihirit na ang kampo ni Miguel Angel Cotto ng rematch sa kanilang nalalapit na laban ni Manny Pacquiao.
“If this fight is good as we hope it will be and the public supports it, as we know they’re going to do, then why not have a rematch,” pahayag ni WBO welterweight champion Miguel Cotto sa fighthype.com.
Katatapos lamang ng promotional tour ng laban nina Cotto at Pacquiao na gaganapin sa November 14 sa MGM Grand sa Las Vegas.
Abot naman hanggang tenga ang ngiti ng promoter na si Bob Arum sa sinabi ni Cotto.
“You never know. If it’s a great great fight with tremendous demand, nothing would please me more than to do a rematch. They could make good money. Nothing is stipulated in the contract though.”
Wala sa kontrata ng dalawa ang rematch clause kaya maaaring kumalaban ng iba sina Pacman at Cotto pagkatapos ng kanilang labang tinaguriang “FirePower.”
Sa katunayan nakipag-usap na si Arum sa HBO para sa posibleng rematch.
Dahil dito, tila matagal pa bago magkaroon ng kaganapan ang inaasahang pagtatagpo nina Pacquiao at ng dating kinikilalang pound-for-pound king na si Floyd Mayweather. (Mae Balbuena)