MANILA, Philippines - Babanderahan ng beteranong Internationalists na si Ramil Gallego ang grupo ng Filipino players sa Hokuriku Open 9-Ball Championship sa Oktubre 10-11 sa Kanuzawa, Japan.
Ang Japan-based na si Gallego ang nagkampeon sa taong ito sa bigating Japan Open 9-Ball Championship nang talunin si Taiwanese Li-wen Ro, 9-3, sa finals.
Kabilang sa mga Filipinong sasargo din sa prestihiyosong torneong ito ay sina Antonio “Nickoy” Lining, Dondon Razalan, Jay-Ar Eroy, Rudy Morta, Crisencio Baliton at Katrina Rio Velarde na magbibigay ng 500,000 yen top prize.
Matapos ang Hokuriku Open 9-Ball Championship, ang Filipino pool shark ay magtutungo naman sa 2009 All Japan Championship mula Nobyembre 9 hanggang 15 sa Amagasaki, Osaka, Japan.
Kabilang din sa inaasahang lalahok ay sina Filipino pool maestro Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante, Warren “Warrior” Kiamco at Lee Vann Corteza para sa All Japan Championship.