MANILA, Philippines - Sumandal sa mahusay na depensa at kabayanihan ni Mark Cagoco, napatumba ng Jose Rizal University ang three-peat titlist San Beda College, 77-64 at makisosyo sa ikalawang upuan sa kanilang biktima sa 85th NCAA basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Nasa huling season na ng paglalaro, nagpasiklab si Cagoco nang bumomba ito ng 11 puntos sa kanyang kabuuang 19 puntos sa huling bahagi ng bakbakan at pigilan ang Red Lions sa kanilang season low output na naging susi upang maiselyo ng una ang kanilang ika-13th panalo sa 15 laban.
At nagawa ito ng Jose Rizal kasama si John Wilson na bu-mabandera sa karera para sa MVP, kahit na ito ay may sakit.
Sa insiyal na laban, bumuwelta sa huling yugto, dinikdik ng Letran ang Perpetual Help para iposte ang 80-60 panalo kahapon upang ibakod ang playoff sa Final Four berth.
Humugot ng career higg na 19 points, kabilang ang 10 puntos na kontribusyon sa 4th quarter, pinangunahan ni Kevin Alas ang pag-angkin ng Knights sa laban at sinelyo ang 11th win upang magkaroon ng pag-asa sa susunod na round.
Sinamantala ang pagkakaroon ng foul trouble nina RJ Jazul at Rey Guevarra, nakahanap ng butas ang Knights para maisahan ang Altas.
Nagtangkang humirit ang Perpetual, ngunit nagtulong sina Jazul na tumipa ng 12 points, 3 assists at 3 steals na sinundan pa ng 10 points tulong ni Guevarra, para tuluyang putulin ang kanilang pagtatangka.
Samantala, para sa juniors division, umasa sa performance ni Jarelan Tampus na nagtampok sa kanyang 29 points, namayani ang Letran kontra Perpetual sa 88-81 engkwentro na nagbigay daan sa 16th win nito, 2 laro palapit sa elimination round sweep.
Kung sakaling manalo, aangkinin ng Squires ang awtomatikong puwesto sa best of three championship series na iiwan sa mga susunod na koponan na magrarambulan para sa isa pang silya sa finals berth.
Sa kabilang banda, sinakmal ng Red Cubs ang Altalettes 85-63 upang mapanatili ang ikalawang pwesto na may 14-1 rekord. (Sarie Nerine Francisco)