MANILA, Philippines - Dalawang panalo na lamang ang layo ni Roger Federer para sa record na ikaanim na U.S. Open title matapos makarating sa Grand Slam semifinal sa ika-22 pagkakataon, matapos ang 6-0, 6-3, 6-7 (6), 7-6 (6) panalo kay 12th-seed Robin Soderling noong Miyerkules ng gabi.
Naipanalo ni Federer ang ika-39 sunod na laban sa American Grand Slam tournament kung saan nais niyang maging unang makaanim na titulo na huling nagawa ni Bill Tilden noong 1920s.
Huling nabigong makarating ng semis ang Swiss star sa major tournament nang matalo siya sa third round ng 2004 French Open.
Sa semifinals sa Sabado, makakalaban ni Federer si No. 4 Novak Djokovic na sumibak kay No. 10 Fernando Verdasco ng Spain 7-6 (2), 1-6, 7-5, 6-2. Tinalo ni Federer si Djokovic noong 2007 final at 2008 semifinal sa Flushing Meadows.
Mahaba naman ang naging proseso bago nakarating ang teenager na si Yanina Wickmayer sa kanyang unang Grand Slam semifinal.
Tinalo ng unseeded na si Wickmayer si Kate-ryna Bondarenko, 7-5, 6-4 para samahan ang kapwa Belgian na si Kim Clijsters sa semis kung saan haharapin niya ang isa pang 19-gulang na ninth seed player na si Caroline Wozniacki, ang unang Danish na babae na nakarating sa singles semifinals sa Grand Slam.
Tinalo ni Wozniacki ang 17-gulang na si American Melanie Oudin, 6-2, 6-2.
Susunod na kalaban ni Clijsters ang nagbabalik na 2005 champion matapos ang dalawang taon na pagpapahinga, si defending champion Serena Williams sa isa pang women’s play.