Okay Naman Si Sena

Sinasabi ng iba na kung minsan daw ay tila hindi maganda ‘yung ang isang active player ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) ay pinapayagang lumahok sa Draft ng PBA.

Bakit?

Kasi, kapag nakuha na ang NCAA player, baka hindi na rin ito maglaro nang may mataas na intensity level.

Kasi nga’y puwede na siyang pumirma ng kontrata sa PBA team na kumuha sa kanya. Bakit pa siya pupukpok nang husto sa NCAA? Paano kung magkaroon sila ng injury na maging dahilan upang hindi matuloy o mabalam ang pagpanhik nila sa PBA.

Hindi ko alam kung may basehan ang pagdududang ito. Kasi, kahit na pumukpok ka ng todo o hinay-hinay lang, kung magkakaroon ka ng injury, magkakaroon ka ng injury! Sa NCAA man o sa PBA, ganoon ang posibilidad.

Kaya ko naman nasabi ito ay dahil sa may nagsasabing tila malamya ang laro ni James Ryan Sena ng Jose Rizal University. Si Sena ang tanging aktibong NCAA player na lumahok sa 2009 PBA Draft kung saan kinuha siya sa first round ng San Miguel Beer.

Bagamat malamang na sa second conference na siya mailagay sa line-up ng Beermen dahil sapaw ang NCAA season sa unang buwan ng 35th PBA season, may nagsasabing na iba daw ang laro ni Sena ngayon kumpara noong nakaraang season.

Marahil ay may kaunting pagkakaiba. Pero hindi naman nagrereklamo ang JRU mismo, e. Hindi naman nagrereklamo si coach Ariel Vanguardia.

Kasi nga’y nakarating na ang Heavy Bombers sa Final Four ng 82nd NCAA.

Isa pa, hindi lang naman si Sena ang inaasahan ng JRU na mag-deliver. Hindi niya ka-yang ipanalo nang mag-isa ang Heavy Bomber team effort ang basketball.

Kaya naman siguro bu-mababa ang points production ni Sena ay dahil kumonti na rin ang kanyang "touches." Kasi nga, kay John Wilson na nakasentro ang opensa ng Heavy Bombers. Kumbaga’y halos walang plays para kay Sena. parang tagapulot na lang siya ng rebounds sakaling magmintis si Wilson. E, madalang namang magmintis si Wilson.

So,hindi puwedeng sisihin pagdudahan ang intensity level ni Sena dahil sa pagkakapili sa kanya sa PBA Draft.

Aba’y kung siya ang tatanungin, okay lang na hindi makapaglaro sa First conference ng PBA basta’t maging member siya ng NCAA champion team sa taong ito.

Iba kasi yung championship sa collegiate level habang panahon kang nasa history books ng eskuwelahan mo. Habang panahon kang iiduluhin doon at hindi ka matatabunan ng iba.

Babalik-balik ka sa eskuwelahan mo na sikat kahit na retirado ka na sa basketball!

Show comments