Basadre vs Pakistani

MILAN - Haharapin ni light-welterweight Genebert Basadre ang Pakistani at nangakong ibibigay ang lahat ng lakas para sa kampanya ng Philippines sa 15th AIBA World amateur boxing championships sa Mediolaforum dito.

Naka-bye naman sa unang round ang pinakamalakas na contender sa medalya na si Harry Tañamor ngunit makakasagupa ang isang Armenia na hindi pa niya nakalaban o nakita sa kanyang unang asignatura sa Huwebes sa biennial ringfest na ito na naging masuwerte sa kanya.

Makakalaban ng 27 anyos na si Basadre si Aamir Khan, na aakyat sa kanyang pinakamalaking laban sa unang pagkakataon.           

Wala namang kaide-ideya si Tañamor, ang pinakamalakas na pag-asa ng bansa sa medalya na nagwagi ng silver sa nasabing torneo noong 2007 (Chicago), at bronze noong 2001 sa Hungary at 2003 sa Bangkok, kung sino ang Armenian na si Hovhannes Danielyan na kanyang makakalaban.

Sa iba pang laban, makikipagpalitan ng kamao si featherweight Charly Suarez kay Stan Julian ng Romania, lightweight Joegin Ladon kay Thomas Stalker ng England at Joan Tipon kay Sri Lankan Kamal Gamaethiralalage bilang mga unang kalaban.

Show comments