NAGA City, Philippines – Hindi pinansin ni David Madera ang pamumulikat upang manguna sa Naga leg ng 33rd National Milo Marathon elimination kahapon na nagsimula at nagtapos sa Plaza Quezon.
Kahit masakit na ang paa sa huling limang kilometro ng karera inabutan ni Madera ang pagod nang si Reynand Novallasca, at nagtuluy-tuloy sa finish line upang tapusin ang 21 kilometer race sa loob ng 1:21.34.
Ngunit hindi makakasama si Madera sa finals sa October sa Manila dahil hindi umabot ang kanyang winning time sa 1:15 passing time sa men’s finals.
Pumangalawa si Novallasca, 23, sa oras na 1:23.00 na may premyong P6,000 kasunod si Samuel Magas, 34, sa oras na 1:23.48, para sa third place na may P4,000.
Nanguna naman si Luisa Raterta sa distaff side sa oras na 1:31.48 at nakapasok sa finals. Ang 33-gulang na Bicolana mula sa Tabaco, Albay, na walong beses nang nakapasok sa finals, ay walang kasama sa unahan sa kabuuan ng karera kaya wala itong naging mahigpit na kalaban para sa P10,000 top prize.
Hindi nakasama sina May Ilo at Myra Luz Abueg sa finals matapos magsumite ng oras na 1:50.51 at 1:59.10, ayon sa pagkakasunod.
Nanguna naman si Mark Jek Reyes sa 10k sa oras na 37.47 at si Richelle Mata ang nanalo sa distaff side sa oras na 1:03.29.