MANILA, Philippines - Sa isang pambihirang pagkakataon, kinatigan ng Philippine Olympic Committee (POC) ang pahayag ng Philippine Sports Commission (PSC) ukol sa paggiba sa national pool pagkatapos ng 25th Southeast Asian Games sa Laos sa Disyembre.
Sinabi kahapon ni POC president Jose "Peping" Cojuangco, Jr. na sinusuportahan niya ang naturang aksyon ni PSC chairman Harry Angping.
"I agree with that pero kailangan in coordination with the POC and the NSAs (National Sports Associations) at hindi puwedeng sarili na naman nilang kilos 'yan kung hindi gulo na naman tayo pagkatapos niyan," ani Cojuangco.
Sa kanyang plano, sinabi ni Angping na tatanggalin na ng PSC ang mga miyembro ng national pool matapos ang 2009 Laos SEA Games para bigyan ng pagkakataon ang mga batang atletang may potensyal.
"By doing this, an athlete cannot afford to be complacent because he knows that he can be replaced anytime," ani Angping. "Every athlete has no choice but to fight for his slot in the national team."
Sinabi naman ni Cojuangco na dapat muna itong pag-aralan ng sports commission bago tuluyang ipatupad ang kanilang programa.
Kaugnay sa 2009 SEA Games, nakatakda namang isumite ng mga NSAs na lalahok sa 25 sports events sa Laos ang kanilang mga official line-up ngayong araw.
"We have asked the NSAs to submit their final list para sa deadline ng SEA Games Organizing Committee sa October 20," wika ni Chef De Mission Mario Tanchangco ng sepak takraw association. "Sa Laos kasi nagsisiguro sila na baka mag-bugged down 'yung communication nila sa electronics, kaya kinakailangan rin na ipadala namin sa kanila 'yung hard copy."
Nagkasundo na ang POC at ang PSC ukol sa gagamiting kri-terya para sa mga atletang ilalahok sa 2009 Laos SEA Games kung saan awtomatikong mapapasama ang 163 gold at silver medalists sa nakaraang SEA Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand noong 2007. (Russell Cadayona)