Valero vs Soto undercard sa Pacquiao-Cotto fight

MANILA, Philippines - Sa isang malaking laban na kagaya ng upakan nina Filipino boxing superstar Manny Pacquiao at Puerto Rican world welterweight champion Miguel Angel Cotto, nararapat lamang na eksplosibo rin ang maging undercard nito.

At kung si Bob Arum ng Top Rank Promotions ang masusunod, magiging magandang suporta sa Pacquiao-Cotto megafight ang banggaan nina Ve-nezuelan knockout artist Edwin Valero at Mexican Humberto Soto.

“We believe we will be able to make Valero against Soto,” wika ni Arum sa panayam ng ESPN. “That’s the fight I want to make.”

Tangan ng 27-anyos na si Valero, ang bagong World Boxing Council (WBC) lightweight king, ang 25-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 25 KOs, habang dala naman ng 29-anyos na WBC super featherweight ruler na si Soto ang 48-7-2 (31 KOs) card.

Ayon sa 77-anyos na si Arum, maaari niyang iharap sa mananalo sa pagitan ng 30-anyos na si Pacquiao at sa 28-anyos na si Cotto ang mananaig naman kina Valero at Soto.

“If Manny beats Cotto, the winner of Valero-Soto could very well be the next opponent for Manny,’” sabi ni Arum. “I think Manny fighting the winner at 140 pounds would still do 400,000 or 500,000 (pay-per-view) buys coming off this fight and that is enough to feed everybody.”

Ngunit kailangan munang kumuha si Valero ng lisensya mula sa Nevada State Athletic Commission (NSAC) matapos ang isang motorcycle accident na nagresulta sa pagkakaroon nito ng cerebral hemorrhage.

“If he’s licensed, it looks like we can make the fight,” ani Arum. “To do it on the undercard of a big match like (Cotto-Pacquiao) is tremendous.”

Bukod sa World Boxing Organization (WBO) welterweight belt ni Cotto (34-1-0, 27 KOs), nakataya rin sa kanilang upakan ni Pacquiao (49-3-2, 37 KOs) ang WBC Diamond Belt. (Russell Cadayona)

Show comments