Kalaban ni Viloria 'di magugustuhan sa Hawaii

MANILA, Philippines - Malamang na hindi magustuhan ng Mexican challenger na si Jesus Iribe ang Blaisdell Center sa Honolulu Hawaii sa kanyang pakikipagtipan kay Fil-Am Brian Viloria para sa International Boxing Federation (IBF) light flyweight championship sa August 29.

Bukod sa haharap siya sa lugar ng kalaban, ito rin ang unang pagkakataon na lalaban si Iribe sa labas ng Mexico.

Sa lahat ng kanyang 25 na laban, ito ay pawang ginanap sa lugar ng mga burritos at tacos, na kalahati pa ay sa mismong balwarte niya sa Culiaca, Sinaloa, Mexico.

Sa kabaligtaran, isang mainit na pagsalubong naman ang tinanggap ni Viloria sa kanyang pagbabalik sa lupang sinilangan sa kanyang pagdepensa sa kanyang 108 lb title sa boxing na promoted ng Solar Sports at tinaguriang ‘Island Assault’.

At bagamat paborito, hindi minamaliit ni Viloria ang kalabang Mexican.

“He’s very dangerous. And knowing he’s a Mexican warrior, I expect a tough fight from him,” ani Viloria, na nasa pinal na yugto ng kanyang pagsasanay sa Oxnard , California sa ilalim ni Robert Garcia.

Ito ang unang pagdepensa ni Viloria sa IBF crown na kanyang inagaw sa isa pang Mexican, si Ulises Solis sa Araneta Coliseum noong Abril.

Napagwagian ng 28 anyos na kampeon na tubong Waipahu, Hawaii ang titulo sa pamamagitan ng 11th round knockout, at iangat ang record sa 25-2 overall na may 15 knockout.

Si Viloria ay dating World Boxing Council (WBC) light flyweight champion at na-ging bahagi ng U.S boxing team sa 2000 Sydney Olympics.

Hawak naman ni Iribe ang 15-5-5 baraha na may 9 knockout at galing ito sa dalawang KO na panalo kontra kay Angel Rezago noong Hunyo at Faustino Cupul noong Abril.

Ito rin ang kanyang ikalawang pagkakataon na maghahangad ng world title.

Ang una niyang pagtatangka ay natapos sa 12 round unanimous decision na kabiguan kay WBC light flyweight king Edgar Sosa noong nakaraang February.

Natalo rin si Viloria kay Sosa sa majority decision para sa bakanteng 108 lbs belt sa title bout nila noong February 2007.


Show comments