MANILA, Philippines - Pangunahing kandidato para makalaban ni interim WBA superflyweight titlist Nonito Donaire ang dating WBC lightflyweight champion na si Jorge Arce ng Mexico.
At sinabi ni Top Rank chairman Bob Arum na pansamantalang nakatakda ito sa Disyembre 12 sa Las Vegas at main event sa Pinoy ‘Power 3’.
Nakatakdang banggain ng 30 anyos na si Arce ang South African hotshot na si Simphiwe Nonggayi para sa bakanteng IBF superflyweight crown sa Nuevo Leon, Mexico sa Sept. 15.
At kapag nanaig si Arce, malamang na itaya nito ang korona laban kay Donaire na magtatangka sa ikalawang world title matapos pakawalan ang kanyang IBF at IBO flyweight title.
Binugbog ni Donaire ang overweight na si Rafael Concepcion ng Panama Las Vegas noong Sabado para makopo ang interim WBA 115-pound title.
Ang interim title ay hindi nabibilang na ‘regular’ title at nananabik ang 26 anyos na si Donaire na makakuha ng isa pang belt sa kanyang mga koleksiyon. At bago niya hinarap si Concepcion binitawan nito ang kanyang flyweight crown at sinabing lumagpas na siya sa 112 lbs. division.