MANILA, Philippines - Bago pa niya sagupain ngayon si world flyweight champion Nonito "The Filipino Flash" Donaire, Jr. ay namultahan na si Rafael "El Torito" Concepcion ng Panama at natanggalan ng karapatan para sa interim super flyweight title.
Ito ay matapos lumampas sa itinakdang 115 pound weight limit si Concepcion sa isinagawang weigh-in kahapon sa Hard Rock Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Kumpara sa 115 pounds ng 26-anyos na si Donaire, tumimbang naman ang 27-anyos na si Concepcion ng 119.5 na nagresulta sa multa sa kanyang $13,000, kumakatawan sa 20% ng kanyang fight purse, kung saan ang $6,500 ay mapupunta kay Donaire at ang $6,500 sa Nevada State Athletic Commission (NSAC).
Tanging si Donaire lamang ang makakakuha ng nakatayang World Boxing Association (WBA) interim super flyweight belt sakaling talunin niya si Concepcion.
"I think my power is my biggest asset and I think I have the power to take this guy out," ani Donaire kay Concepcion. "If that isn't the case and he turns out to be tougher than I expect him to be then speed will be the thing that can take me to victory."
Kung mananalo kay Concepcion (13-3-1, 8 KOs), inaasahang muling magtatagpo sina Donaire (21-1-0, 14 KOs) at (WBA) super flyweight titlist Vic Darchinyan ng Armenia.
Ang 33-anyos na si Darchinyan ang inagawan ng 26-anyos na si Donaire ng International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight titles via fifth-round TKO noong Hulyo ng 2007.
"This will be his last fight at super flyweight," wika ni Damon De Berry, ang manager ni Concepcion na dating naghari sa WBA super flyweight class. "He will go up to 118 after this fight."
Samantala, handang-handa naman si American Steven Luevano na idepensa ang kanyang suot na World Boxing Organizition (WBO) featherweight crown laban kay Filipino challenger Bernabe "The Real Deal" Concepcion.
"I'm ready to go," ani Luevano. "I'm not worried about being rusty. I had a great training camp with great sparring partners. There won't be any excuses."
Nasa kanyang pang limang title defense, ibi-nabandera ng 28-anyos na si Luevano ang 36-1-1 win-loss-draw ring record kasama ang 15 KOs, habang may 29-1-1 (16 KOs) card ang 21-anyos na si Concepcion.
Tinalo ni Luevano si Billy Dib via unanimous decision sa kanyang huling pagtatanggol sa WBO featherweight title noong Oktubre 18, 2008.
"Napag-aralan na namin 'yung style niya at kung saan siya mahina. Talagang motivated ako na manalo," wika ni Concepcion ng Virac, Catanduanes kay Luevano na dapat sana niyang nakalaban sa undercard ng Manny Pacquiao-Ricky Hatton light welterweigth championship noong Mayo 3 kundi lamang ito nagkasugat sa kaliwang mata.
Kapwa iniaalay nina Donaire at Concepcion ang kani-kanilang mga laban kina Concepcion at Luevano, ayon sa pagkakasunod, kay dating Pangulong Corazon C. Aquino. (Russell Cadayona)