KAHIT paano’y “high hopes” ang karamihan hinggil sa tsansa ng Adamson Falcons na muling makarating sa Final Four bago nagsimula ang72nd season ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP).
Kasi nga’y maganda naman ang naging performance ng Falcons sa mga summer leagues na nilahukan nito bilang bahagi ng paghahanda para sa kasalukuyang UAAP tournament.
At siyempre, ‘kapado” na ni Leo Austria ang team na ito. Noon kasing nakaraang season nang muli niyang hawakan ang Falcons ay parang hindi niya kabisado ang ibang mga manlalaro niya.
Si Austria ay may distinction na siyang tanging coach na nakapaghatid sa Falcons sa Final Four ng UAAP noong 2006. Ang koponang iyon ay pinangunahan ni Ken Bono na pinarangalan bilang Most Valuable Player.
Nang sumunod n taon, ay binitawan ni Austria ang Adamson upang pagtuunan ng pansin ang paghawak sa Welcoat Paints nang ito’y sumabak sa PBA. Sa ilalim ng rules ng pro league, hindi puwedeng humawak ng amateur o ibang commercial team ang isang coach ng PBA. So, iniwan ni Austria ang Adamson sa pamamahala ni William “Bogs” Adornado.
Pero sumadsad ang Falcons noong 2007 at sa ilan ngang mga games ay inihahabilin pa ni Adornado ang team sa kanyang assistant na si Jing Ruiz bilang experiment. Kaya hindi na kataka-taka na mawala si Adornado sa Adamson sa pagtatapos ng torneo.
At naging available namang muli si Austria noong nakaraang taon nang siya’y magbitiw bilang coach ng Welcoat at halinhan ni Caloy Garcia. Pero siyempre, iba ang team niya noong 2006 kumpara sa 2008 kaya understandable na mangapa ulit si Austria.
Matapos ang isang taong pangangapa, marami ang nagsabi na “panahon na ulit ng Falcons at ni Austria na makarating sa Final Four.
Pero tila hindi mangyayari iyon unless na may isang malaking milagrong maganap.
Kasi nga, sa pagtatapos ng first round ng eliminations at nasadlak sa huling puwesto ang Falcons kasama ang University of the Philippines Fighting Maroons na may isang panalo lang sa pitong laro.
Aba’y napakahirap nang bumangon buhat doon. Para ngang kailangan na gawin ng Falcons ay maging flawless sa kabuuan ng second round. Mahirap, pero posible.
Kasi, kung babalik-tanawin ang mga games ng Falcons sa first round, makikitang palaban sila sa lahat. Napakasasakit ng mga pagka-bigoSa opening game pa lang ay nasilat na sila ng UST, 76-75. Mayroon din silang 64--63 overtime na pagkatalo sa La Salle. At pagkatapos ay may 95-91 double overtime na kabiguan buhat sa UE.
Sa tatlong games lang na iyon ay malaki na sana ang pag-asa nilang magwagi kung may endgame poise lang sila.
Marahil ay ito ang dapat na solusyunan ni Austria sa second round.
Hope springs eternal, hindi ba?