Isa pang gold nakopo ng Pinoy wushu artist

BANGKOK—Binigyan ni Mary Jane Estimar ng magandang pagtatapos ang Team Philippines’ sa pagkopo ng gold medal sa wushu competition ng 1st Asian Martial Arts Games kahapon sa Silpa-Archa Building sa Suphanburi Sport Center.

Pinabagsak ni Estimar, ang silver medalist sa 2008 Beijing Olympics, si Si Si Sein ng Myanmar, 2-0, sa women’s sanshou 52-kg, upang samahan si Jeff Figueroa ng taekwondo sa iilang Filipino gold medal winners.

Nakuha ni Figueroa ang unang gold medal sa men’s bantamweight category para simulan ang paghakot ng mga Pinoy sa 41-nation competition na ito.

“I tried to be methodical and anticipate all of her attacks,” wika ng 27-gulang na si Estimar, na maganda ang naging depensa sa laban at lumamang sa fight sa pamamagitan ng tackle at sweep.

Nakikipaglaban pa sina Mark Ediva at Mariane Mariano habang sinusulat ang balitang ito laban kina Junyong Zhang at Jingjing Gao ng China sa finals ng men’s sanshou 65-kg category at women’s sanshou 60-kg, ayon sa pagkakasunod para sa karagdagang gold medal matapos maunsiyami si Dembert Arcita sa semifinals ng men’s sanshou 52-kg. 

Gold medal potential din ang muay artist na si Zaidi Laruan, na yumukod sa mas malakas at mas agresibong si Kwangkhwang Weerapol ng Thailand sa finals ng men’s lightweight (57-60-kg) category, kaya wala pang nakukuhang ginto ang Philippines sa 45 gold medals na pinaglabanan kahapon.

Matapos bumagsak sa 10th spot, bumaba pa ang Philippines sa 12th place na may 2 gold, 4 silver at 9 bronze medals—lima galing sa muay at dalawa sa pencak silat.

Inagaw naman ng Thailand ang liderato sa Korea matapos kumulekta ng 9 gold medals sa pet event na muay, at tatlong gold sa jujitsu.

Ang Thailand ay mayroon nang 19 gold, 13 silver at 16 bronze medals kasunod ang Kazakhstan na may 13 gold, 7 silver at 11 bronze medals.

Ang Korea na humataw sa judo ay nalaglag sa taekwondo at sa kanilang nine gold medals sa penultimate day ng nine-day tournament na ito.


Show comments