MANILA, Philippines - Hindi lamang ang 25th Southeast Asian Games sa Laos ang pinaghahandaan ng mga national boxers at taekwondo jins kundi maging ang mas mabigat na world championships.
Nakatakdang magtungo ang mga national boxers sa Cuba sa susunod na linggo para pag-handaan ang 2009 AIBA World Championships sa Milan, Italy mula Agosto 31 hanggang Setyembre 13.
Ang biyahe ng mga national pugs sa Havana ay mula na rin sa rekomendasyon nina Cuban coaches Juan Enrique Steyners Tissert at Dagoberto Rojas Scott, ayon naman kay Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) executive director Ed Piczon.
“Sabi nga nu’ng mga Cuban coaches namin, if we want to have rigid and intensive work out, there’s nothing more perfect than Cuba,” wika ni Picson kahapon sa SCOOP sa Kamayan sa Padre Faura, Manila. “Kahit daw araw-araw na sparring kung gusto namin puwede.”
Ipapadala ng ABAP sa Havana, Cuba ang isang nine-man team na pamumunuan ni two-time Olympian Harry Tanamor.
Bibiyahe naman ang mga taekwondo jins sa Korea bilang preparasyon sa 2009 World Taekwondo Championships sa Copenhagen, Denmark sa Oktubre 14-18.
Kabuuang 44 jins ang dadal-hin ng Philippine Taekwondo Association (PTA) sa Korea para sa isang three-week intensive training sa Agosto 9-29.
“We’ll be going to the different gymnasiums there (Korea) in order for our jins to have different sparmates during their training,” ani national coach Dindo Simpao.
Ang training sa Cuba at Korea ang magiging basehan ng ABAP at PTA sa pagbuo sa komposisyon ng kani-kanilang koponan para sa world championships.
“Whoever will be lined up for the world championship will depend in their performance sa Cuban training namin,” ani Gaspi. (Russell Cadayona)