MANILA, Philippines - Kung ibinigay ni dating Pangulong Corazon C. Aquino ang halos kalahati ng kanyang buhay para sa bansa, magagawa rin ito ni James Yap para sa Powerade-Team Pilipinas.
Ibinilin ni Mrs. Aquino sa kanyang manugang na si Yap na ibigay ang lahat para matulungan ang Nationals sa paglahok sa 25th FIBA-Asia Men’s Championships sa Tianjin, China sa Agosto 6-16.
Ang FIBA-Asia event ang siyang qualifying tournament para sa 2010 World Championship sa Istanbul, Turkey.
“So Tita Cory, even before, has instructed James that if something happens and he is in China, to keep on playing for the country,” ani ni national head coach Yeng Guiao sa bilin ng da-ting Pangulo kay Yap.
Sa kabila ng nakatakda pang laban ng Nationals kontra Taiwan-B at Iran sa nakaraang 31st Williams Jones Cup sa Taiwan, agad na umuwi sa bansa si Yap para bisitahin ang kanyang biyenan na si Mrs. Aquino sa Makati Medical Center.
“The coaching staff saw the need for him to go back. Kailangan siyang umuwi dahil mas priority naman talaga ‘yun,” sabi ni Guiao sa pagpayag nilang pauwiin ang superstar ng Purefoods Tender Juicy Giants.
Inaasahan ni Guiao na magiging inspirasyon ni Yap, asawa ni Kris Aquino, ang naturang bilin sa kanya ni Mrs. Aquino. (RC)