Blu Boys 'di nakaporma sa US

SASKATOON, Canada - Naantala ang pagpasok ng Philippines sa quarterfinal round nang yumuko ang Blu Boys sa United States, 4-9 sa Day 4 ng 2009 World Men’s Softball Championship dito.

Kahit na ang presensiya ni No. 1 pitcher Roger Rojas, na binigyan ng assignment ni coach Zach Bacarisas sa pitching, ay hindi nakatulong na mapigil ang paglasap ng ikalawang kabiguan ng Blu Boys kasunod ang 8-1 kabiguan sa three-time defending champion New Zealand kamakailan.

Si Rojas, ang responsable sa 4-3 panalo ng Philippines sa Mexico noong Biyernes, ay tumagal lamang ng dalawang innings at pinalitan ng kaliweteng si Leo Barredo sa ikatlo bago isuko ang dalawang runs sa first inning.

Sa kabilang dako, si Barrero, isa sa tatlong baguhang hurlers sa lineup-, ay hindi rin epektibo, maging ang mga kapwa niya first timer na sina Vic Marquez at George Marquez, na ipinasok ni Bacarisas, ay wala ring nagawa.

Bagamat bigo, may pag-asa pa rin ang Blu Boys, na ang partisipasyon dito ay suportado ng Cebuana Lhuillier, Pera Padala, Le Soleil de Boracay, Phiten at Philippine Sports Commission, sa Final 8 na ilalaro sa ilalim ng knockout system.

At para manatili sa kontensiyon sa quarterfinals sa Pool A, kailangan ng Blu Boys na manalo ng dalawa sa huling tatlong asignatura nila.

Sisimulan nila ang kanilang misyon kontra sa tumalo sa kanila sa Asian championship na Japan bago susubukan ang wala pang panalo na Botswana. Tatapusin nila ang elimination round nila laban sa Denmark.

“Hindi pa tapos ang laban. Ang importante ay makapasok sa quarters at doon na tayo magpapakamatay para naman makalusot sa Final 4,” wika ni Bacarisas.

Show comments