MANILA, Philippines - Mula sa pinaghirapang ensayo, sinikap ng Jose Rizal Bombers na mapitas ang solong tuktok na pwesto nang payukurin ang bagitong Arellano U sa isang dikit na laban, 88-82, para sa 85th NCAA basketball tournament na ginanap kahapon sa The Arena, San Juan City.
Pinatikim ng kamandag, nagpasikat sa kanyang over all performance si John Wilson na nakapagsubi ng 26 points, 7 assists, 2 steals at isang block para suportahan ang pamamayani ng koponan na may apat na sunod na panalo.
Sa kasalukuyan, dahil sa tinipang puntos, tinuturing na league’s scoring leader ang 22 anyos na tubong Binangonan, Rizal.
Nagningning sa kanyang 8 points sa huling yugto ng laban, kabilang ang importanteng 4 foul shots, nahablot nila ang panalo kontra Arellano sa isang matin-ding pakikipagbuno.
Ang makabuluhang 17, 16 at 11 points ambag nina James Sena, Marvin Hayes at Mark Cagoco ang naging susi ng pananaig ng Bombers.
Ang tambalang Sena at Hayes ang tuluyang tumibag sa depensa ng Chiefs na naging sanhi ng pagkakalumpo nito sa opensa maging sa depensa.
Subalit, hindi agad nagpatalo, tila lumusot sa butas ng karayom ang Bombers nang agapan ng Arellano ang pag-arangkada ng kalaban at imarka ang 28 beses na turn ball kabilang ang 17 sa first half na nagdala sa 34 fastbreak points.
“I have to give credit to Arellano, they played probably one of their best games.They showed they truly belonged in this league,” ani Vanguardia,
Maliksing sinalisihan, bumuslo ng 19 points ang PBL veteran na si Andrian Celada habang ang pinakamaliit na manlalaro sa liga na si Leonard Anquillo ay humarurot sa kanyang 18 points.
Tulad ng dalawang sunod na kasiyahan, dalawang beses ring napataob ang Arellano University na nagposte ng 2-2 panalo-talo kartada.
Sa isa pang laro, sumandal ang Perpetual Help sa rookie na si Chrisper Elopre nang pabagsakin nila ang Angeles University Foundation, 94-84, upang iselyo ang unang panalo sa apat na asignatura. (Sarie Nerine Francisco)